Mga lider-masa sa Rizal, tiniktikan ng sundalong nagpanggap na empleyado ng lokal na gubyerno

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagbabahay-bahay ang sundalong si Ssg. Marvin Lagua, elemento ng 2nd ID sa Barangay San Isidro, Antipolo City, Rizal simula pa Pebrero 5 at nag-uusisa kaugnay ng mga lider-masa ng progresibong kilusan sa Rizal. Nakasibilyan si Lagua at nagpapanggap na si Jerwin Lencinas na empleyado ng Antipolo City Hall para isagawa ang paniniktik, ayon sa nakalap na ulat ng Karapatan-Rizal. Kinakalap umano ng sundalo ang mga personal na impormasyon ng mga lider-masa at kanilang selpon number mula sa mga kapitbahay.

Kabilang sa tiniktikan ni Lagua ang mga myembro at lider ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Rizal, Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)-Rizal, at Anakpawis Partylist Rizal. Nagpapakita pa ng larawan ang naturang sundalo sa mga residente para tukuyin ang kanyang hinahanap. Partikular umanong nais matunton ng sundalo si Tatay Henry, ang pamprubinsyang koordineytor ng Anakpawis Partylist-Rizal. Giit ng sundalo na nais lamang niya “makausap” ang organisador para hikayating “linisin ang pangalan.”

Ayon pa sa pahayag ng Karapatan-Rizal, ipinagtatanong din sa mga kapitbahay ang kinaroroonan ni Tatay Henry. Kasabay nito, napansin nilang may umaaligid at nagmamanman na hindi kilalang mga lalaki na naka-mask sa tirahan ng organisador. Liban dito, naiulat din na binabantayan ng mga sundalo ang mga kaibigan at ibang kasama sa organisasyon ni Tatay Henry na bumibisita sa kanya. Nakaranas na rin si Tatay Henry ng katulad na paniniktik noong Nobyembre 29, 2023.

“Nakakahiya at nakaka-walang respeto ang mga taktika ng 2nd ID ng AFP at ng PNP, na tila nag-aagawan sa mga target nila na pilit at pekeng pasukuin,” ayon sa Karapatan-Rizal. Liban dito, pagkubabaw sa sibilyang gubyerno ang paggamit ng militar sa pangalan ng lokal na gubyerno at mga empleyado nito para maniktik. Ang taktikang ito ay higit na pinatindi ng National Task Force-Elcac.

AB: Mga lider-masa sa Rizal, tiniktikan ng sundalong nagpanggap na empleyado ng lokal na gubyerno