Balita

Mga magsasaka sa Masbate, ninakawan, pinaputukan ng CAFGU at militar

,

Kinundena ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Masbate ang mga kaso ng pagnanakaw at walang habas na pamamaril ng mga elemento ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) at yunit ng 2nd at 96th IB sa ilang bayan sa Masbate noong huling linggo ng Enero. Labis ang takot at tromang idinulot nito sa masang magsasaka at mga residente.

Noong Enero 30, nagpaulan ng bala ang mga elemento ng 96th IB sa Sityo Malapinggan hangganan ng Barangay San Jose, Uson at Barangay Sawmill, bayan ng Mobo noong Enero 30, alas-7 ng umaga. Pinaputukan ng mga sundalo ang mga residenteng nangahas na magkopra sa niyugang inagaw ng militar.

Ayon sa PKM-Masbate, malalawak na niyugan sa naturang mga barangay ang pinagbawalang ipakopra sa mga residente upang ang militar ang makinabang. Kabi-kabilang kaso na ng paninindak ang naitala laban sa mga magkokopra na nais lamang maghanapbuhay.

Noong Enero 29, naitala naman ang mga kaso ng pagnanakaw at sapilitang pagpasok sa mga bahay at iligal na paghalughog ng mga CAFGU at militar. Sa pangunguna ng isang Sgt. Ramos, naghasik ng terorismo ang mga elemento ng CAFGU sa mga komunidad na sumasaklaw sa Hacienda Mortuegue sa bayan ng Pio V. Corpuz at Esperanza.

Sa Barangay Labigan, Pio V. Corpuz, binugbog at ninakawan ng alagang manok si Johnny Compuesto. Sa Barangay Tubog sa parehong bayan, sinalakay din ang tahanan ni Ruel Menchavez. Sa Barangay Tawad, Esperanza, kapwa nakaranas ng pananakit sina Cadong Mendoza at Wilyn Menchavez habang ninakawan naman si Inday Canete at Ruben Menchavez.

Sangkot sa mga krimeng ito ang mga tauhang militar at CAFGU na nakabase sa Barangay Estampar sa Cataingan na sina Jerome Bohol, Ondo Quilong-quilong at Boboy Armenion sa pangunguna ni Sergeant Ramos mula sa 2nd IB.

Ang mga bayan ng Cataingan, Pio V. Corpuz at Esperanza, ay pawang malalawak na kapatagang pabor sa pagsasaka. Kabilang dito ang makasaysayang Hacienda Mortuegue na nabawi ng mga magsasaka mula sa asyendero. Ayon sa PKM-Masbate, ang mga lupaing ito ay desperadong tinatrabaho ng gubernador ng prubinsya na si Gov. Antonio T. Kho para kamkamin at gamitin sa kanyang interes sa rantso at ekoturismo.

“Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos, lalong naging marahas at agresibo ang gera kontra magsasaka. Sa ilang taon pa lamang, daan-daang pamilya na ng magsasaka ang napalayas sa kanilang lupang binubungkal sa pamamagitan ni Gov. Kho,” pahayag ng PKM-Masbate.

Anito, ang nagpapatuloy na pangangamkam ng lupa at pandarahas sa masang magsasaka ay nagpapatunay sa kabuktutan ng repormang agraryo ng reaksyunaryong gubyerno. “May bahid ng dugo ang libu-libong ektarya ng lupaing inagaw ng gubernador mula sa mga magsasaka,” giit ng grupo.

Sa harap nito, nananawagan ang PKM-Masbate sa mga magsasakang Masbatenyo na magiting na harapin ang teroristang gera ng rehimeng US-Marcos sa pamamagitan ng paglahok sa digmang bayan. Ipinabatid naman ng grupo ang suporta nito sa kanilang hukbo, ang Bagong Hukong Bayan (BHB)-Masbate. “Sabik kami sa aming Hukbo. Lalong kailangan ng mga magsasakang Masbatenyo ang kanilang Hukbo sa harap ng lumalalang pang-aapi’t pagsasamantalang kanilang dinaranas,” ayon sa grupo.

AB: Mga magsasaka sa Masbate, ninakawan, pinaputukan ng CAFGU at militar