Mga magsasakang nasalanta sa Bicol, nananawagan ng subsidyo at kumpensasyon
Matapos ang pinsala ng Bagyong Enteng sa kanilang pananim, nananawagan ang mga magsasaka sa Bicol, lalo na sa Libon, Albay at Nabua at Bato, Camarines Sur, ng kumpensasyon at subsidyo mula sa rehimeng Marcos. Sa inisyal na sarbey at pakikipanayam sa Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB), halos 400 ektarya ng palay ang nananatiling nakalubog sa tubig-baha. Kalakhan nito ay aanihin na sana ngayong Setyembre. Umaabot sa 18,000 magsasaka ang apektado, ayon sa grupo.
Ayon sa KMB, ang karaniwang inaani ng mga magsasaka ay mula 60-150 kaban bawat ektarya depende sa inilalagay na mga pataba at sa kalagayan ng patubig. Dahil sa bagyo, wala silang aanihin o kung meron man, pinakamataas na ang 5-10 kaban.
Nagtatagal ang tubig baha mula isa hanggang dalawang buwan bago mawala, at umaabot ang taas ng tubig na mula bewang o lagpas tao (mga 6-7 piye), ayon sa KMB. Tinatayang nasa 90-100% ang napinsala sa mga tanim sa mga binahang palayan, at wala nang inaasahang maaani.
“Halos lahat ng ginastos sa pagtatanim ay inutang at hindi na makakapagbayad,” paliwanag ng KMB. “Pinakamababang gastos dahil sariling trabaho at sobrang tinipid ang pataba at iba pang inputs ay umaabot ng ₱30,000.00-₱40,000.00 kada ektarya at ang iba naman na nagbawas ng pataba ay umaabot ng ₱60-₱70k kada ektarya.”
Sa gayon, ang nawala at lugi ay ang ginastos at ang inaasahang kikitain sana mula sa aanihin. Dagdag pasanin pa ng mga magsasaka ang pagdoble ng porsyento ng kanilang mga utang dahil hindi sila makakabayad.”
Nananawagan ang Kilusang Magbubukid ng Bicol sa Department of Agriculture at sa rehimeng Marcos Jr. na dinggin ang mga boses ng mga magsasakang nasalanta ng Bagyong Enteng, kabilang ang mga manggagawang-bukid na nawalan ng kita, at bigyan sila ng ayudang pinansyal.
Hindi sapat ang pagkaing ayuda lamang, ayon sa mga magsasaka. Panawagan nilang maibalik sa kanila ang naluging kapital dahil sa mga bagyo nang sa gayon ay muli silang makapagtanim paghupa ng baha. Liban dito, panawagan nila ang paglalatag ng mga dike, tulong para sa pagbili ng farm inputs, kapital para sa paghahanda ng lupa at sa pagtatanim.
Tinatayang umabot sa ₱350 milyon ang pinsalang idinulot ng Bagyong Enteng sa Bicol. Pagkatapos ng bagyong ito, dumanas pa ang rehiyon ng dagdag na sakuna sa pagdaan ng magkakasunod na bagyong Ferdie, Gener at Helen.