Mga manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita, muling iginigiit ang kanilang karapatan sa lupa

,

Nagtungo sa Mendiola noong Agosto 8 ang mga manggagawang-bukid sa ilalim ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (AMBALA), kasama ang Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), para muling igiit ang kanilang karapatan sa Hacienda Luisita. Ang aksyong protesta ay kasabay ng paghahapag ng kanilang mga abugado ng motion for reconsideration para sa tatlong kautusan ng Office of the President na yumuyurak sa matagal na nilang ipinaglalabang karapatan.

Inilabas ni dating pangulong Duterte ang mga naturang kautusan noong Pebrero 2, Hunyo 22 at Oktubre 26 noong nakaraang taon. Kinatigan ng mga ito ang apela ng Tarlac Development Corporation (TADECO) na pag-aari ng pamilyang Cojuangco na ipawalambisa ang notice of coverage (NOC) ng Department of Agrarian Reform (DAR) noong 2016 na nag-utos na ipamahagi ang walong parsela ng lupa sa loob ng asyenda alinsunod sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Matatagpuan ang mga parselang ito sa mga barangay Cutcut at Balete, na may lawak na 358.2243 ektarya. Sinasaklaw nito ang 5% lamang sa kalupaan ng buong asyenda.

Nagpapalusot ang mga Cojuangco na hindi diumano ipinaabot sa TADECO ang NOC. Ang totoo, sadyang hindi pinansin ng TADECO ang lahat ng pagsisikap ng DAR na ipaabot ang NOC sa korporasyon para balewalain at banggain ang ligal na proseso ng pamamahagi. Ang pagkatig ng upisina ng presidente, kapwa noong panahon ni Rodrigo Duterte at ni Ferdinand Marcos Jr ay nagpapamalas sa kapangyarihan ng despotikong mga panginoong maylupa sa pamamagitan ng reaksyunaryong estado.

“Panahon pa ni Noynoy Aquino inisyu ang mga NOC sa walong malalaking tipak ng Hacienda Luisita, pero hindi lamang siya, bilang myembro ng asenderong pamilyang Cojuangco-Aquino, ang nag-iisang pangulong humarang dito,” pahayag ni Ariel Casilao, tumatayong pangulo ng UMA.

Aniya, walang ginawa ang nagdaang rehimen, sa kabila ng maaanghang na banat ni Duterte sa landgrabbing ng mga Cojuangco-Aquino. “(W)ala naman itong ginawa para buwagin ang asyenda. At heto namang si Marcos, karibal diumano ng mga Aquino sa politika, ay nagsilbi pang balakid sa pamamahagi nito.”

Deka-dekada na ang pakikibaka ng mga manggagawang-bukid para sa kanilang karapatan sa 6,453-ektaryang asyenda.

AB: Mga manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita, muling iginigiit ang kanilang karapatan sa lupa