Mga manggagawang pangkalusugan, magmamartsa para sa dagdag sahod at regularisasyon

,

Inianunsyo kahapon ng mga manggagawang pangkalusugan na nagbuklod sa ilalim ng grupong Health Workers United for Wage Fight (HWUWF) ang nakatakdang martsa nila sa darating na Mayo 5 para manawagan ng dagdag sahod, mga benepisyo, regularisasyon at disenteng trabaho. Kaugnay ito ng paggunita sa National Health Workers’ Day sa darating na Mayo 7.

Ang grupo ay kinabibilangan ng mga unyon at manggagawang pangkalusugan mula sa mga pribado at pampublikong ospital sa bansa.

Giit ng grupo, ihaharap nila sa administrasyong Marcos ang panawagang tugunan ang matagal na nilang kahingian para sa karagdagang sahod, maramihang pagdadagdag ng mga manggagawang pangkalusugan, regularisasyon ng mga kontraktwal, pagbibigay ng benepisyong pang-Covid-19 at pagtataguyod ng kanilang mga karapatan.

“Kaming mga manggagawang pangkalusugan ay tapat na naglilingkod sa mamamayang Pilipino. Ngunit kahit nanumpa kaming magsilbi sa kanila, hinaharap namin ang marahas na reyalidad ng lumulubhang kalagayan sa ekonomya,” pahayag ng grupo.

Paliwanag nila, “ang tumataas na presyo ng batayang mga bilihin at ang pagsipa ng tantos ng implasyon [ay] bumabakbak sa maliit na halaga ng kasalukuyang sahod.”

Anila, tulad ng maraming ordinaryong Pilipino, nais ng mga manggagawang pangkalusugan na matugunan ang kanilang batayang pangangailangan para sa pagkain, disenteng bahay at para makapag-ipon.

“Pero paano?” tanong ng grupo. Kasalukuyang tumatanggap lamang ng ₱13,000/buwan ang mga Salary Grade 1 (SG1) na mga manggagawang pangkalusugan sa mga pampublikong ospital habang ang mga nasa pribado ay sumasahod lang ng ₱570 kada raw.

Panawagan ng HWUWF, dapat itakda ang SG1 na makatanggap ng ₱33,000 kada buwan at ₱1,100.00 kada araw sa mga nasa pribadong ospital.

Liban dito, giit ng mga manggagwang pangkalusugan ang kagyat na pagbibigay ng labis naantalang benepisyo tulad ng Health Emergency Allowance sa panahon ng Covid-19.

“(H)abang mayroong 21,038 pusisyong plantilla sa Department of Health, marami sa aming hanay ay kinukuha bilang kontraktwal o walang permanente pusisyon,” dismayadong pahayag ng HWUWF. Dapat nang wakasan ang patakaran ng kontraktwalisasyon, anito.

“Pagod at demoralisado na kaming mga manggagawang pangkalusugan sa patuloy na pagbalewala ng DOH at gubyernong Marcos sa aming mga karapatan at kagalingan. Nananawagan kami sa gubyerno na kagyat na tugunan ang aming makatarungang mga panawagan dahil kung hindi ay maaaring bumagsak pa ang kalagayan ng pampublikong kalusugan sa bansa,” dagdag nila.

AB: Mga manggagawang pangkalusugan, magmamartsa para sa dagdag sahod at regularisasyon