Mga mangingisda, nagprotesta sa konsulado ng China kontra bantang pang-aaresto sa West PH Sea

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagprotesta sa harap ng konsulado ng China sa Makati City ang mga mangingisda at iba pang demokratikong organisasyon para ipanawagan ang pagtatanggal sa “tresspass rule” o bantang panghuhuli ng China sa mga “dayuhang” papasok sa “teritoryo” nito sa South China Sea. Sisimulan ng Chinese Coast Guard ang panghuhuli bukas, Hunyo 15. Idedetine ng China ang mga maaaresto mula 30 hanggang 60 araw.

“Tulad ng pagsuway namin sa ‘fishing ban’ ng China sa South China Sea, lalabanan namin ang atas na ito ng pag-aresto sa pinalalabas na mga ‘trespasser’ sa aming tradisyunal na mga pangisdaan,” ani Joey Marabe, koordineytor ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya)-Zambales.

Sasaklawin ng atas ng China ang ilang bahagi ng soberanong karagatan ng Pilipinas na saklaw ng exclusive economic zone ng bansa. Sa desisyon ng Permanent Court of Arbitraton noong 2016 sa The Hague, pinawalangsaysay nito ang sinasabing 9-dash line ng China na sumasakop sa buong South China Sea.

Tinukoy nito ang teritoryong pandagat ng Pilipinas na sumasakop sa 12-nautical miles (22 kilometro) mula sa mga baybayin nito, at ang 200-nautical miles na exclusive economic zone at mga extended continental shelf. Kinilala nitong tradisyunal na pangisdaan ng mga mangingisdang Pilipino, Vietnamese at Chinese ang Panatag Shoal at hinusgahang paglabag ang pagpigil ng China na makapangisda sa bahura ang mga mangingisdang Pilipino.

Ayon sa Pamalakaya-Zambales, tulad ng 4-buwang “fishing ban” ng China, walang kahit anong ligal, pulitikal o moral na batayan ang “trespass rule” nito.

Nakiisa sa pagkilos ng mga mangingisda ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). “Iginigiit na naman ng China ang ‘imaginary claim’ (guniguning pag-aangkin) nito sa ating mga karagatan. Ang China ang dapat nating patigilin sa kanilang ‘trespassing’ sa ating mga teritoryo,” pahayag ng grupo.

Para sa mga mangingisda ng Zambales, ang mga proyektong reklamasyon ng China, maramihang iligal na pangingisda at iba pang aktibidad nito sa karagatan ng Pilipinas ang dapat ipagbawal. “Ang mapangwasak na mga aktibidad na ito, ay hindi lamang nagdulot ng pagkasira sa marine ecosystem, kundi malaking pagkabawas sa kita ng mga Pilipinong mangingisda,” ayon kay Marabe.

Sa ulat ng Pamalakaya, bumagsak nang 80% ang kita ng mga mangingisda sa Zambales dahil sa militarisasyon ng China at mapangwasak na mga aktibidad nito sa karagatan ng bansa. Lalo pa silang naperwisyo nang isagawa ng militar ng US at Pilipinas ang Balikatan war games at pagpapasabog ng isang lumang barko sa West Philippine Sea noong Abril hanggang Mayo.

“[Dapat na] i-demilitarize ang West Philippine Sea at tanggalin ang mga pasilidad militar at palayasin ang lahat ng dayuhang mga barkong pandigma dito nang walang pagtatangi,” panawagan ni Marabe.

Para sa Bayan, ang pagsuway ng mga mangingisda sa “fishing ban” at “trespass rule” ng China sa West Philippine Sea at ang suporta ng mga kapwa Pilipino dito ay patunay na handa ang sambayanan na ipagtanggol ang soberanya ng bansa. “Ang pagpapakilos sa mamamayan ang dapat prayoridad ng gubyernong Marcos Jr sa halip ng patakarang pagsusunud-sunuran nito sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa pagpapalawak ng presensyang militar ng US sa bansa,” ayon sa grupo.

Ang pagkilos ng mga mangingisda at iba pang sektor sa konsulado ng China ay hinarang ng mga pulis. Nakipagtulakan ang mga raliyista para makalapit sa konsulado. Sa pagtatapos ng kanilang programa, nagpunit sila ng mukha ni Chinese President Xi Jingping.

AB: Mga mangingisda, nagprotesta sa konsulado ng China kontra bantang pang-aaresto sa West PH Sea