Mga maralitang residente sa Cebu, nagprotesta laban sa nakaambang demolisyon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagprotesta ngayong araw, Hunyo 14, ang mga maralitang residente sa loob ng Cebu International Convention Center (CICC) sa Mandaue City, Cebu laban sa nakaambang demolisyon sa kanilang kabahayan. Pinaninindigan nila ang kanilang karapatan sa 9.2 ektaryang lupa na saklaw ng CICC na ipinangako sa kanila bilang relokasyon. Itinutulak ang demolisyon para bigyang daan ang pagtatayo ng One Stop Chop Center ng lokal na gubyerno (Mandaue City Goverment Center).

Ayon sa Tipolo Residents Association (TRA), nakatanggap ang mga residente ng notice of eviction noong Hunyo 8 na nagbibigay sa kanila ng 15 araw para “boluntaryong gibain” ang kanilang mga bahay.

Ayon kay Ursina Torregosa, pinuno ng TRA, nagulat sila nang pinadalhan sila ng notice of eviction ng Mandaue Housing and Urban Development Office (HUDO) matapos itong mangako na ililipat ang mga residente una sa housing project na “Pasilong sa Paradise,” at pagkatapos ay sa Maharlika Tipolo. “Katunayan, hiningan kami ng HUDO ng listahan ng mga myembro ng aming organisasyon para daw matiyak na maayos na mailulugar sa isang block sa Pasilong, at sa tatlong gusali sa housing (project),” salaysay ni Torregosa. Ilang araw matapos maibigay ang lishatan, pinadalhan sila ng notice.

Hindi bago ang kara-karaka at iligal na mga maniobra ng HUDO, ayon kay Torregosa. Noong Pebrero, dinemolis ng ahensya ang bahay ni Manlolo Lumbab sa Malibu, Subangdaku. Myembro si Lumbab ng Kaming mga Lumulupyo nga Walay Sandigan (KALUWASAN), isa sa mga organisasyong nakapailalim sa Panaghugpong Kadamay-Cebu, na naninindigan laban sa demolisyong walang malinaw na relokasyon. Walang papeles at hindi dumaan sa wastong proseso ang naturang demolisyon.

Sinuportahan ng Nagkahiusang Kabus nga taga-Dakbayan sa Mandaue (NAKADAMA) ang TRA at sinabing iligal ang notice of eviction nang walang sapat na panahon at malinaw na relokasyon. Marami sa mga residente sa CICC ay biktima ng mga sunog sa iba’t ibang barangay sa Mandaue mula 2019 na inilagay sa CICC ng lokal na gubyerno. Nakatira sila sa mga barung-barong na hindi ligtas at istable. Sa kabila ng mga protesta at maraming dayalogo, hindi sila pinayagan ng gubyerno ng Mandaue City na bumalik sa kanilang orihinal na mga komunidad.

Kinundena ng mga raliyista ang mga paglabag ng lokal na gubyerno sa mga karapatan ng mga residente, kabilang ang kanilang karapatan para sa malayang pag-oorganisa. Mula maagang bahagi ng taon, tuluy-tuloy ang tangkang pagpapalayas sa kanila ng mga lokal na ahensya, katuwang ang 14th CMO ‘Katipanan’ Battalion at NTF-elcac sa pamamagitan ng pananakot, panggigipit, Red-tagging at pagsosona sa lugar. Nagtayo pa ang militar ng organisasyon (Tipolo Residents Organization o TRO) para lusawin ang TRA at tanggalin ang balakid sa demolisyon.

Noong nakaraang buwan, iniulat ng NAKADAMA ang isinagawang terror-tagging ng militar sa mga progresibong grupo sa pamamagitan ng pagpaskil ng mga poster sa paligid ng CICC. Nagsagawa ang mga sundalo ng “active profiling” sa mga myembro ng TRA, na nakapailalim rin sa Panaghugpong Kadamay-Cebu.

Iginiit ng mga raliyista na harapin sila ng mga upisyal ng syudad at tiyakin ang kanilang karapatan sa pabahay. Tutol sila sa komersyalisadong housing project na iniaalok sa mga residente na napakamahal at kontra-mahirap. Batid nilang sadyang itinaas ang presyo ng naturang mga housing project para umatras ang mga maralita rito at maipagbibili ang mga gusali at bahay dito sa sinumang may kaya at gusto.

AB: Mga maralitang residente sa Cebu, nagprotesta laban sa nakaambang demolisyon