Mga nagtapos sa Bicol University, pinigilang magpahayag ng saloobin

,

Pinigilan ng mga elemento ng Reserved Officers Training Corps (ROTC) na magpahayag ng saloobin sa pamamagitan ng raling iglap ang mga nagtapos na estudyante ng Bicol University sa mismong seremonyo ng pagtatapos noong Hulyo 13. Nagulo ang naturang akbitidad dahil sa agresibong mga aksyon ng mga tauhan ng ROTC.

“Ang mga raling iglap…ay dati nang ginagawa sa mga seremonya bilang benyu ng pagpapalakas ng mga panawagan para sa mga adbokasiya at para manawagan sa mga nagsipagtapos na magsilbi sa sambayanan,” pahayag ng Rise for Education (R4E)-Bicol University sa araw na iyon.

Anito, kahit may basbas mula sa Office of Student Affairs and Services’ (OSAS) at Legal Office ng unibersidad ang aktibidad, ginulo pa rin ito ng mga elemento ng ROTC dahil nanawagan ang mga estudyante ng “No to Mandatory ROTC.” Malaon nang panawagan ng R4E at iba pang mga grupong estudyante ang pagbabasura sa mga panukala ng sapilitang pagsasanay-militar na anila’y magastos, pahirap at nagsisilbi lamang sa pasistang institusyon ng militar.

“Paglabag ito sa karapatan ng mga estudyante sa malayang asembleya at pagpapahayag,” ayon sa R4E. “Hindi bulag na pagsunod (ang aming komitment) kundi malasakit na pagsisilbi sa sambayanan.”

Hinimok nila ang kanilang mga kapwa estudyante o mga Bueños na manindigan sa karapatang magpahayag at huwag magpasiil sa loob at labas ng unibersidad.

AB: Mga nagtapos sa Bicol University, pinigilang magpahayag ng saloobin