Balita

Mga paglabag ng 43rd IB sa IHL noong 2023, lumabas sa imbestigasyon ng BHB-Northern Samar

,

Isiniwalat ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Samar (Rodante Urtal Command) ang resulta ng kamakailang naging imbestigasyon nito sa pagpatay ng 43rd IB sa Pulang mandirigma at kadre nitong si Joshua Sagdullas (Ka Miyong) noong Mayo 28, 2023. Ayon sa yunit, nilabag ng militar ang mga alituntunin ng digma at internasyunal na makataong batas (IHL) sa pagdakip nang buhay, pagtortyur at sadyang pagpaslang kay Sagdullas.

Ayon sa imbestigasyon, buhay na nadakip ng 43rd IB si Sagdullas sa Barangay Mabini, Catarman at wala na sa katayuang lumaban. Ipinailalim siya sa matinding tortyur, katulad ng pagtatali sa kanyang leeg ng lubid at pagkaladkad hanggang makarating sa baryo. Pinatay siya habang nasa kamay na ng militar.

Ang mga patakaran sa paggalang sa karapatan ng mga wala nang kakayahang lumaban o hors de combat ay nakasaad sa IHL at sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Isa itong kasunduang pinirmahan ng mga panel sa negosasyon ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines noong Marso 16, 1998 sa The Hague, The Netherlands na partikular na nakatuon sa mga eryang may armadong sigalot.

Alinsunod sa Ika-4 na Bahagi (Paggalang sa Internasyunal na Makataong Batas), Artikulo 4, Numero 1 ng CARHRIHL: “Ang mga taong wala sa katayuang lumaban (hors de combat) at yaong hindi tuwirang kalahok sa mga hostilidad ay may karapatan sa paggalang sa kanilang buhay, dignidad, mga karapatang pantao, mga paniniwalang pampulitika, at moral at pisikal na integridad, at pangangalagaan sa lahat ng sirkunstansya at makataong itatrato nang walang pagtatangi batay sa lahi, kulay, paniniwala, kasarian, kapanganakan, katayuang panlipunan o anumang katulad na pamantayan.”

Ayon kay Ka Amado Pesante, tagapagsalita ng BHB-Northern Samar, sa kabila ng pagpapahirap na dinanas ni Sagdullas ay nanatili siyang tapat sa rebolusyon at sa adhikain ng sambayanan. “wala siyang ipinagkanulo na mga kasama at masa kahit na pinipilit siya ng kaaway na magsalita,” pahayag niya.

Samanatala, ibinahagi ni Pesante na nito lamang nabuo ng hukbong bayan ang ulat kaugnay ng kabuuan ng pangyayari sa matinding pananakot ng militar sa masa, kasabay ng grabeng militarisasyon sa erya. “Dahil dito labis kaming humihingi ng tawad sa pamilya ni Joshua at sa kanyang mga mahal sa buhay,” ayon kay Peasante.

Parangal at pagpupugay

Sa ikatlong taon ng anibersaryo ng pagkamartir ni Sagdullas, at talong iba pang Pulang mandirigma, muli silang binigyang-parangal ng BHB-Northern Samar. “Bagaman huli, nais ipaabot ng aming buong kasapian ang pinakamataas na parangal sa kanyang tapat na serbisyo at sakripisyo para sa pagpapalaya ng masang magsasaka at malawak na mamamayan,” ayon kay Pesante.

Si Sagdullas ay nagmula sa uring mataas na petiburgesya sa lungsod at namulat sa kalagayan ng lipunan habang nag-aaral sa University of the Philippines-Tacloban. Naging tagapangulo siya ng UP Tacloban Student Council noong 2015-2016 at nagsilbing pambansang tagapangulo ng Kasama sa UP noong 2016-2017.

Nakapagtapos siya sa kursong BA Political Science bilang magna cum laude noong 2017. Paglabas sa unibersidad, nagdesisyon siyang maging pultaym na aktibista sa syudad at naging tagapagsalita at pangkalahatan kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Eastern Visayas noong 2018 hanggang 2020.

Sa pag-unawa sa kahalagahan ng armadong rebolusyon at tindi ng pasistang panunupil ng noo’y rehimeng Duterte, nagpasya si Sagdullas na sumapi sa BHB sa Eastern Visayas. Nagpultaym siya sa hukbo noong 2020. Bilang Pulang mandirigma, kumilos siya sa Northern Samar, partikular sa unang distrito.

Nagsilbi siyang instruktor sa pulitika at isang susing upisyal na umambag sa komprehensibong pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya. Tumulong siya sa pagtatayo ng baseng masa, paglunsad ng mga antipyudal at antipasistang pakikibaka, at pagsusulong ng mga armadong opensiba, ayon sa yunit ng hukbo.

“Sa maiksing panahon na nagkasama kami nasaksihan namin ang mabilis niyang pagpapanibagong-hubog, mahusay na pakikiisa sa kapwa kasama, at mabilis na pagiging malapit sa masa,” pahayag ni Pesante. Aniya, isang inspirasyon ngayon si Sagdullas sa iba pang kabataan na namumulat sa pangangailangan ng rebolusyon sa harap ng tumitinding krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal.

Sa anibersaryo ng kanyang pagkamartir, muli rin siyang inalala at pinarangalan ng Bayan-Eastern Visayas at iba pang mga progresibong organisasyon.

AB: Mga paglabag ng 43rd IB sa IHL noong 2023, lumabas sa imbestigasyon ng BHB-Northern Samar