Balita

Beteranong koordineytor ng Migrante sa Panay, nakalaya na

,

Ikinalulugod ng Panay Alliance Karapatan ang paglaya ni Josephine Porquia, isang developmental worker at koordineytor ng Migrant, matapos ibasura ang gawa-gawang kasong illegal possession of explosives na inihain ng Philippine National Police laban sa kanya.

Inaresto si Porquia ng pinagsanib na pwersa ng PNP at Philippine Army noong Abril 2 sa Pavia, Ilo-Ilo gamit ang isang mandamyento de aresto na inilabas noong 2012 ng Regional Trial Court ng Mambusao, Capiz. Ginamit dito ng pulis ang kaso ng isang engkwentro sa pagitan ng AFP at Bagong Hukbong Bayan na naganap sa Tapaz, Capiz noong Agosto 2011. Hindi binanggit ang pangalan ni Porquia sa mandamyento, at pinaratangan lamang siya na isa sa mga alias na nakasaad sa dokumento. Matapos ang aresto, sinampahan siya ng gawa-gawang kasong illegal possession of fireamrs laban sa kanya.

Sa kasalukuyan, may nakabinbin pang kasong rebelyon laban kay Porquia sa Mambusao RTC.

Kinundena ng grupo ang iligal na gawain ng AFP na pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa mga tagapagtanggol ng karapatang tao at aktibista kabilang ang mga nakatatanda, sa pamamagitan ng maling pag-uugnay sa kanila sa mga engkwentro sa pagitan ng mga rebelde at pwersa ng seguridad.

Anito, madalas na sinasampahan ng estado ang mga aktibista ng illegal possession of explosives dahil hindi pinahihintulutan ang nasasakdal na magpyansa at maipapailalim sa matagal na detensyon ang mga aktibista. Madali ring magtanim ng ebidensya sa oras ng pag-aresto.

Si Josephine Porquia ay byuda ng pinaslang na aktibista, tagapagtanggol ng kalikasan, at koordineytor ng Bayan Muna na si Jory Porquia. Pinaslang si Jory ng mga ahente ng estado noong Abril 30, 2020 matapos sumailalim sa matinding red-tagging at pagmamanman ng pulisya. Hanggang sa kasalukuyan, wala pa ni isa sa mga salarin ang napapanagot sa pagpaslang kay Jory. Ang kanilang anak na si Lean Porquia, isang lider-manggagawa at dating pangulo ng BPO Industry Employees Network (BIEN), ay matagal nang target ng kampanya ng Red-tagging. Biktima rin ang nakababatang Porquia ng gawa-gawang kaso na isinampa ng Department of Justice kaugnay ng kanyang pagiging kasapi sa League of Filipino Students.

Nananawagan ang Panay Alliance ng pagbabasura sa natitirang mga gawa-gawang kaso laban kay Josephine Porquia, imbestigahan at parusahan ang mga responsable sa pagpaslang kay Jory Porquia, itigil ang Red-tagging at ang paggamit ng batas bilang sandata laban sa mga progresibong organisasyon at mga aktibista. Nananawagan din ang grupo para sa pagpapalaya sa lahat ng mga bilanggong pulitikal sa bansa.

Mula maagang bahagi ng 2025, nasa 761 ang bilanggong pulitikal, 15 dito ay nakadetine sa rehiyong Panay.

AB: Beteranong koordineytor ng Migrante sa Panay, nakalaya na