Rehimeng Marcos, inutil sa pagtugon sa malawakang disempleyo
Binatikos ng mga manggagawa si Ferdinand Marcos Jr sa kanyang kainutilan sa pagtugon sa malawakang disempleyo. Sa isang pahayag dalawang linggo bago ang ika-apat na state of the nation address o SONA ni Marcos, ipinaalala ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang ipinangako ni Marcos na mga trabaho at pagpapaunlad sa industriya sa kanyang ikatlong SONA noong nakaraang taon.
Anila, sa halip na mabawasan ang bilang ng mga walang trabaho noon, lalo pang lumobo ang dami ng mga manggagawang walang hanapbuhay. Hindi ito mapasubalian kahit sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA)i na nagsabing umakyat tungong 4.8 % ang antas ng kawalang trabaho sa bansa noong Mayo. Mas mataas ito kumpara sa 4.7% noong Abril at 3.9% noong Mayo ng nakaraang taon. Katumbas ito ng 2.5 milyong Pilipinong walang hanapbuhay. Ang totoo’y ilang ulit na mas malaki ang tunay na bilang ng walang trabaho.
“Inilalantad nito ang kabulukan ng programa ng gubyerno sa paglikha ng trabaho: ang pang-aakit ng dayuhang mamumuhunan at negosyo,” ayon sa KMU. “Sadyang hindi pinauunlad ang mga lokal na industriya na magluluwal dapat ng regular at disenteng trabaho, upang manatili tayong nakaasa sa mga dayuhang kapitalista.”
Ayon sa grupo, isinasadlak lamang ng kaayusang ito ang mga Pilipino sa mga trabahong “seasonal, panandalian, at walang katiyakan” kung saan sikil ang karapatan sa paggawa.
Kaakibat ng lumalalang kawalan ng trabaho ang krisis sa mababang pasahod. Batay sa pinakahuling pag-aaral ng IBON Foundation, kapos na kapos para sa disenteng pamumuhay ang kasalukuyang minimum na sahod na nasa abereyds na ₱512 sa buong bansa. Kulang ito nang ₱788 upang maabot ang ₱1,301 na family living wage (FLW) o abereyds na kinakailangan upang mabuhay nang disente ang isang lima-kataong pamilya.