Mga paglabag sa karapatan ng mga magbubukid sa Bulacan, kinumpirma ng fact-finding mission
Nakumpirma ng isang fact-finding mission na inilunasd noong Agosto 20 sa San Jose Del Monte City, Bulacan ang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng mga sundalo ng 80th IB laban sa mga residente. Kabilang sa mga kasong ito ang pagkakampo sa sibilyang mga komunidad, sapilitang pagpapakalas sa lokal na mga samahan, pagbabahay-bahay ng armadong mga sundalo, terrorist-tagging, profiling at pagbabanta ng pag-aresto.
Tumungo ang 30-kataong delegasyon mula sa hanay ng mga taong-simbahan, tagapagtanggol ng karapatang-tao, tagapagtaguyod ng karapatan ng mga magbubukid, manggagawang pangkulutura, at iba pang organisasyon, sa Barangay Tungkong Mangga na isa sa sentro ng mga kasong ito. Sinamahan sila ng mga kinatawan mula sa Commission on Human Rights (CHR) Region 3.
Nag-umpisa ang pinatinding militarisasyon sa mga barangay ng syudad mula nang nireyd at hinalughog ng mga sundalo ng 80th IB at pulis ang bahay ni Ronnie Manalo, pangkalahatang kalahim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at tagapagsalita ng Tanggol Magsasaka, sa Barangay San Roque noong Hunyo 18. Sapilitang pinasok ng mga pwersa ng estado ang bahay ni Manalo kahit walang tao dito. Pinalalabas ng militar at pulis na nakuha dito ang ripleng M16, isang shotgun, granada, laptop, at mga subersibong dokumento.
Matapos nito, lumaganap na ang takot sa mga katabing barangay nito. Sa pagkakampo nito sa maraming erya, tila kinubkob umano ng 80th IB ang mga komunidad ng magsasaka sa apat na barangay ng syudad. Naapektuhan nito ang 400 pamilya at mga magsasakang nagsusuplay ng mga gulay sa programang Bagsakan sa farmer’s market sa Quezon City.
Mismong mga kumander ng 80th IB ang nagsiwalat na ang mga aktibidad nito sa lugar ay para sa “intelligence gathering” at “security visibility”. Pero ayon mismo sa mga magsasaka, hindi seguridad kundi takot ang dala ng mga sundalo, lalo sa ginagawa nitong Red-tagging sa kanilang mga samahan at pagbibintang sa kanila bilang mga terorista.
Noong Agosto 13, nakipagdayalogo sa SJDM City Mayor’s Office ang Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan (AMB). Tinalakay nila ang operasyong militar ng 80th IB sa mga komunidad ng magsasaka, gayundin ang kinakaharap nilang usapin sa lupa laban sa pangangamkam ni Greggy Araneta II. Iginiit ng mga magsasaka na ligal at lehitimo ang kanilang mga samahan, na binuo nila para ipagtanggol ang kanilang karapatan sa lupa, kabuhayan, at tirahan. Ipinanawagan nilang paalisin na ang mga sundalo sa kanilang komunidad.