Balita

Mga piloto ng AFP, sinasanay ng US sa aerial bombing

Nasa Pilipinas ngayon ang mga eroplanong pandigmang F-16 ng US para magdaos ng Bilateral Air Contingent Exercise-Philippines (BACE-P) mula Marso 14-25. Sa loob ng 12 araw, sasanayin ang mga piloto ng Philippine Air Force (PAF) para umano sa mas mahigpit na pagtutulungan ng dalawang pwersa.

Kabilang sa mga isasagawang pagsasanay ang “air to ground engagement,” na katawagan sa mga pambobomba at istraping. Mula nang bilhin ng Philippine Air Force ang mga FA-50, pangunahing misyon nito ang paghuhulog ng bomba sa mga sakahan, komunidad at kabundukan ng mga magsasaka, katutubo at Moro. Pinakahuli dito ang paghulog ng di bababa sa 12 bomba sa Barangay Runggayan, Maguing, Lanao del Sur noong Marso 1. Pawang mga sakahan at istrukturang sibilyan ang tinarget ng pambobomba.

Lalong humihigpit ang hawak ng US sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa sunud-sunod na mga pagsasanay-militar sa bansa sa loob lamang ng kasalukuyang buwan.

Ang bukambibig ng US na umano’y “interoperability” ay ang pagpapahusay nito sa kanyang kumand at kontrol sa mga armadong pwersa ng iba’t ibang bansa sa Indo-Pacific. Pangunahin itong nagsisilbi sa pagpapakitang-gilas laban sa China upang pigilan ang pagpapalawak ng huli sa rehiyon.

Ang BACE-P ngayong taon ang ika-10 ulit nang pagsasanay mula nang simulan ito noong 2016 na pangunahing nilahukan ng mga fighter jet na FA-50 ng Pilipinas at F-16 naman ng US.

Pagkakataon rin ang BACE-P upang maihambog ng US ang kanyang mga lumang F-16 na matagal nang iniaalok para sa programang “modernisasyon” ng AFP.

Bago ang pagsasanay sa mga piloto, nauna nang sinimulan noong Marso 5 sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija ang taunang pagsasanay na “Salaknib 2022.” Sa taong ito, tuturuan ng US Army Pacific ang binuo nitong 1st Brigade Combat Team ng Philippine Army ng karagdagang mga taktika sa pag-opereyt bilang kumbinasyon ng iba’t ibang yunit kabilang ang artileri, mga tangke at eroplano.

Aabot sa 1,100 sundalo mula sa US Army Pacific ang dumayo upang lumahok sa Salaknib 2022. Pinalolobo ng bilang na ito ang dami ng mga tropang Amerikano na permanenteng nakaistasyon sa mga kampo ng AFP, kahit pa tahasang nilalabag nito ang soberanya ng bansa.

Mas marami pa ang dadagsa na sundalong Amerikano bago magtapos ang buwan para naman sa Balikatan Exercise. Palalahukin din ng US ang iba pang kaalyado nitong bansa, kabilang ang Japan, Australia at mga bansa sa Southeast Asia.

Samantala, nagtapos noong Marso 7 ang tatlong-linggong pagsasanay ng Special Forces ng Philippine Army sa ilalim ng Balance Piston 22-1. Kabilang sa itinuro sa kanila ng US Special Forces ang bagong mga taktika nito sa operasyong paniktik, at paglulunsad ng “unconventional warfare.” Bahagi ng “unconventional warfare” ang pagtustos sa mga armadong pwersa para pabagsakin ang nakatayong mga gubyerno tulad ng ginawa ng US sa Iraq, Afghanistan at Latin America. Saklaw din nito ang mga operasyong kontrainsurhensya at kontragerilya.

AB: Mga piloto ng AFP, sinasanay ng US sa aerial bombing