Mga rebolusyonaryong martir sa Chhattisgarh-Maharashtra sa India, pinarangalan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Isinagawa ngayong araw ng rebolusyonaryong kilusan sa India, sa pangunguna ng Communist Party of India (Maoist), ang pagbibigay-pugay sa namartir na mga kadre at mandirigma nito sa pang-aatake ng armadong pwersa ng estado sa kagubatan ng Kakur-Tekametta sa hangganan ng estado ng Chhattisgarh at Maharashtra sa India noong Abril 30. Napaslang sa naturang pang-aatake ang anim na kadre ng CPI (Maoist) at mga mandirigma ng People’s Liberation Guerilla Army (PLGA).

Ang araw ng parangal ay pinangunahan ng West Sub-Zonal Bureau ng Dandakaranya Special Zone ng CPI (Maoist) sa sentral na bahagi ng India. Kinilala at pinagpugayan nila sina Kasamang Joganna (Cheemala Narasayya), kasapi ng panrehiyong komite, Kasamang Vinay (Kesaraboina Ravi), Kasamang Mallesh (Undam Ungal), Kasamang Sindhu Gadwe, Kasamang Chilaka, at Kasmaang Sarita Jetty.

Kinundena ng komite ang sadyang pagpatay sa 66-taong gulang na si Kasamang Joggana na nadakip ng armadong pwersa ng estado ng India. Anang komite, tumatakas si Kasamang Joggana sa kordon ng militar at pulis na nakapalibot sa kanilang kampo at walang dala-dalang armas nang nadakip siya. Sa halip na kilalanin ang kanyang mga karapatan bilang bahagi ng katunggaling pwersa, brutal siyang pinaslang ng mga sundalo. Labag ito sa internasyunal na makataong batas.

Samantala, apat na Adivasi (katutubo) ang namatay rin sa pamamaril ng mga sundalo at pulis sa naturang kagubatan. Nasa lugar ang mga Adivasi at magsasaka para sa isang tradisyunal na pagdiriwang. Napatay dito sina Mainu Korcha, Ramlu Noroti, Lalsu Kovasi, at Pandu Kovasi.

Ang malawakang operasyong militar at brutal na atakeng ito ay bahagi ng pasistang kampanyang Operation Kagaar na sinimulan ng India noong Enero. Ito ay pangunahing ipinatutupad sa sentral na bahagi ng India at may layuning “tuluyang gapiin” ang mga Maoista.

Sa pagpapatupad nito, patung-patong na mga paglabag sa karapatang-tao na ang naitala sa nagdaang mga buwan. Tahasang binabaliwala ng operasyong ito ang internasyunal na makataong batas.

Noong Abril 16 sa kagubatan ng Aapatola-Kalpar, distrito ng Kanker sa Chhattisgarh, brutal na tinortyur bago sadyang pinaslang ng pwersang militar ng India ang 11 hindi armadong mga rebolusyonaryo at anim na iba pang nasugatan sa unang bugso ng pag-atake. Samantala, 12 mandirigma ng PLGA ang namartir sa unang pag-atake.

Hindi bababa sa 110 siblyan at mga rebolusyonaryo na ang napaslang sa marumi at brutal na Operation Kagaar.

AB: Mga rebolusyonaryong martir sa Chhattisgarh-Maharashtra sa India, pinarangalan