Mga residente ng Sibuyan, desididong ipagtanggol ang isla laban sa mapangwasak na mina

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Desidido ang mga residente ng Sibuyan, isang isla sa prubinsya ng Romblon, na tuluy-tuloy na ipagtanggol ang kanilang isla laban sa mapaminsalang pagmimina ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) ng pamilyang Gatchalian. Ito ay matapos ibasura ng Court of Appeals noong Mayo 24 ang kanilang petisyon na ideklara ang writ of kalikasan sa isla para pigilan ang operasyon ng kumpanya. Binigyan ng korte ng 15 araw ang mga nagpetisyon para maghapag ng motion for reconsideration.

“Huwag tayong manghina!” panawagan ng grupong Bantay Kalikasan ng Sibuyan. “Mas kinakailangan natin ngayon ang pagkakaisa nang bawat Sibuyanon!”

Noong Enero 2023, itinayo ng mga residente ng Sibuyan ang kanilang barikada laban sa kumpanya dulot ng kawalan nito ng permit mula sa lokal na konseho ng barangay. Binuwag ng mga pulis ang barikadang ito at sinampahan ng kaso ang presidente ng samahan.

Nagsampa ang grupo ng petisyon sa Korte Suprema para sa writ of kalikasan noong Pebrero 2023 para pigilan ang pagmimina ng APMC. Nagsampa din ito ng reklamo laban sa Department of Environment and Natural Resources at Mines and Geosciences Bureau. Noong Hunyo 13, 2023, kinatigan ng Korte Suprema ang mga residente at iginawad ang writ of kalikasan sa isla pero hindi ito naglabas ng temporary environmental protection order na tahasan sanang magpapatigil sa operasyon ng APMC sa loob ng 72 oras. Ang writ na ito ang ibinasura ng Court of Appeals noong Mayo.

Malaking panganib ang hatid ng pagmimina ng APMC sa isla, na tinaguriang “Galapagos” ng Asia dahil sa yaman ng biodiversity nito. Huhukayin ng APMC ang hanggang 19 milyong toneladang lupa at bato sa mga protektadong erya at buffer zone mula sa sinaklaw nitong 1,580 ektaryang kagubatan ng isla. Ang pagmiminang ito ay magdudulot ng pagnipis at pagguho ng lupa, pagbabago sa tereyn, paglabo ng mga ilog hanggang sa palibot na karagatan. Tinatayang 60,000 residente ng isla, na nakaasa sa mga rekurso nito, ang maapektuhan.

AB: Mga residente ng Sibuyan, desididong ipagtanggol ang isla laban sa mapangwasak na mina