Mga residente sa isang barangay sa Samar, tumutol sa presensya ng militar

,

Nagsama-sama ang mga residente ng Sityo San Pedro, Barangay 3, San Jose de Buan, Samar sa isang asembleya noong nakaraang linggo para ipahayag ang kanilang pagtutol sa pagkakampo ng mga sundalo sa kanilang sityo. Nagsimula ang pagbabakod ng 87th IB sa naturang sityo noong unang linggo ng Hunyo para sa planong detatsment na itatayo sa lugar.

Para supilin ang pagkakaisa ng taumbaryo, pinagbantaan ng mga sundalo ang kapitan ng barangay, ang sityo lider at konsehal. Tinakot silang papanagutin at ikukulong kapag inatake silang muli ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command).

Wala pa man ang detatsment, militarisado na ang San Pedro simula pa Enero. Naitala dito ang patung-patong na mga paglabag sa karapatang-tao.

Noong Hunyo 9, kinanyon ng 87th IB at Task Force Storm ng 8th ID ang mga bundok at bukid malapit sa naturang sityo na nagdulot ng ligalig sa mga magsasaka. Ganting-salakay ito ng militar matapos mapatayan ng isang sundalo sa operasyong haras ng BHB-Western Samar.

Dahil sa panganganyon at ipinataw na pagbabawal ng militar, karamihan sa mga magsasaka ay hindi na nakapagsaka sa kanilang kaingin. Ang iba ay natulak na magbakwit sa takot na tamaan ng mga bomba.

Noon namang Pebrero, ninakaw ng mga nag-ooperasyong sundalo ang mga manok ng isang magsasaka. Ipinagtatapon naman ng mga sundalo ang bigas at mga palay ng isa pang magsasaka. Sa buwan ding iyon, isang magsasaka na nasa kanyang bukid ang tinangkang barilin ng isang sundalo.

AB: Mga residente sa isang barangay sa Samar, tumutol sa presensya ng militar