Mga Sorsoganon, di nalilinlang ng hungkag at pakitang-taong programa ng AFP
“Paulit-ulit, nakapapagod at nakasusuya” ang tingin ng mga residente ng mga lugar na pinagdausan ngayong taon ng “Serbisyo Caravan,” isang hungkag at pakitang-taong programa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), katuwang ang lokal na gubyerno ng Sorsogon. Ang programa na ito ay isinasagawa bilang bahagi ng Retooled Community Support Program-Peace, Law Enforcement and Development Support (RCSP-PLEDS).
Noong Hulyo, sinimulang ilunsad ang naturang programa sa mga bayan ng Gubat, Prieto Diaz, Barcelona, Sta. Magdalena at Magallanes. Layon diumano nito na bigyan ng serbisyo ang mga liblib na barangay sa prubinsya. Kasama sa “libreng serbisyo” ang gupit at tuli. My bigas, mga butong pantanim at iba pa na ipinamimigay sa gayong mga aktibidad. Pero ayon sa mga residente, nagagambala lamang sila ng naturang mga aktibidad.
Matatandaan nung nakaraang taon ay inilunsad ng AFP ang programa sa mga bayan ng Barcelona, Bulusan at Gubat kung saan ay “pinasurender” ulit ang mga dati nang “nagsurender” na mga residente sa ilalim ng E-CLIP noong 2020. Tulad ng dating gawi, pinipilit ng AFP ang mga residente na dumalo sa kanilang aktibidad. Ayon kay Lola Misay “sabi sa ’min, lahat na nakakatanggap ng 4Ps ay dapat dumalo, pati member ng koop, syempre dadalo kami baka tanggalin kami sa listahan, kahit na paulit-ulit na lang sinasabi nila.” Karamihan sa mga residente ay hindi na kumuha ng bigas dahil sa pagkasawa sa aktibidad, aniya.
Ginagamit ng AFP at PNP ang pakitang tao na aktibidad na ito upang palabasing may serbisyo silang binibigay. Kapalit ng “serbisyo,” pinipilit nila ang mga residente na ituro ang mga “aktibo na BHB” na kababaryo nila. Itinutulak nila ang mga mga dating Pulang mandirigma na “sumurender” kapalit ng pangakong hindi sila “gagalawin’ (papatayin). Nababatid ng mga taumbaryo na lagi’t laging sinusubaybayan ng militar ang kanilang baryo kahit na idineklara na nitong”insurgency free” ang kanilang lugar at “nagsurender” na ang mga residente.
Ayon naman kay Manay Goya, wala masyado dumalo sa kanilang barangay kahit na kinukulit sila ng mga upisyal ng barangay. “Nung 2020, pinilit kami dumalo sa patawag nila, iyon pala pasusumpain kami na surender kuno, tapos dalawang beses kaming pinatipon nung nakaraang taon, pinilit pa kami magrali laban sa NPA, nakakuha na rin kami ng kasulatan mula sa AFP na itinatakwil na namin ang NPA, akala namin tatantanan na kami, hindi pa rin pala. Kaya bakit pa kami pupunta dun? Ano pa ba kailangan namin gawin para tantanan na nila kami? Nakakapagod na.”
Matapos makatanggap ng tatlong kilong bigas matapos dumalo sa patawag ng mga sundalo, nayayamot na sinabi ni Mang Piyo: “Akala ko ba ₱20 milyon* ang budget nila sa barangay namin?”. “Nasan na yung sinasabi nilang giginhawa ang buhay namin kung wala nang NPA dito? Sinasayang nila ang oras namin, kalahating araw din nawala sakin, ₱250 na rin iyon sana, hirap na nga kumayod gagambalain ka pa,” aniya. “Sabi sa dialogue, eh sige lang nila satsat bakit di dapat suportahan ang NPA, tinanong ba nila kami kung kamusta na kami ngayon na mahal na ang lahat ng bilihin?”
Ang dalas ng paglulunsad ng AFP ng mga palabas ay pagpapakita nang desperasyon nito at kawalang kumpyansa sa mga Sorsoganon. Wala namang totoong naitutulong ang mga ito sa mga residente maliban sa panandaliang ayuda, kung meron man.
Ang kailangan ng mamamayang Sorsoganon ay tuluy-tuloy na serbisyong panlipunan at tulong sa kabuhayan. Hindi nila kailangan ang balat-kayong mga serbisyo na ang layunin ay pagmukhaing lehitimo ang pagtambay ng mga sundalo sa mga baryo at pagtakpan ang kanilang walang patumanggang paglabag sa karapatang tao sa prubinsya. (Taun-taon, isa ang Sorsogon sa may pinakamaraming kaso ng ekstrahudisyal na pagpatay ng mga sundalo at pulis.) Hindi rin mapagtatakpan ng mga karaban nito ang korapsyon ng AFP sa pondo ng NTF ELCAC tulad ng Baranggay Development Program at E-CLIP. Kapalit ng mga aktibidad ang araw-araw na pag-istorbo ng AFP at PNP sa tahimik sana na buhay ng mga residente.
Sa kabila ng pabalik-balik na okupasyon ng AFP sa kanilang baryo at di deklaradong martial law sa kanayunan, lumalaban pa rin ang mga mamamayan sa pamamagitan ng palihim na pagtulong sa kanilang hukbo at sa kanilang kasamahan sa rebolusyonaryong organisasyon. “Payt lang! Kahit ilang beses pa kami pilitin na magsunog ng bandila, alam namin kung ano ang tama at mali, kung sino ang tunay naming kakampi at alam rin ng mga demonyo na iyon kung para kanino kami. May araw din sila at alam nila yun!”