Balita

Mga tindahan ng libro sa Metro Manila, tinarget ng red-tagging

Dalawang tindahan ng libro sa Metro Manila ang pinakabagong target ng red-tagging ng pinaniniwalaang mga ahente ng estado. Gamit ang pulang pintura, isinulat ang katagang ‘NPA terorita’ sa Popular Bookstore sa Quezon City at ang Solidaridad sa Manila noong Martes, Marso 22.

Ang dalawang tindahan ng libro ay nagbebenta ng mga librong kadalasan ay mahirap hanapin at sumasaklaw sa iba’t ibang mga paksa. Nagbebenta ito ng mga librong pumapaksa sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), Bagong Hukbong Bayan at mga isinulat ni Prop. Jose Maria Sison, bukod sa iba pang tipo ng mga aklat ayon kay Julie Po, may-ari ng Popular Bookstore.

“Bakit nila tinatarget ang mga bookstore? Bakit nila ito ginagawa sa syudad? Bahagi ba ito ng pakanang destabilization para pigilan ang eleksyon? Simula lang ba ito ng mas malaking plano?” ayon kay Julie Po mula sa Popular Bookstore.

Si Po ang may-ari ng Popular Bookstore at isang dating aktibista noong diktadura ni Marcos. Nakulong siya nang limang buwan noong 1973.

Nagpaabot ng pakikiisa at mga pahayag ang iba’t ibang mga tagapaglimbag ng libro, mga nasa akademya at ibang mga personahe sa dalawang tindahan ng libro. Pangamba ng karamihan na magsisimula ito ng tinatawag na “chilling effect” o “panakot” sa mga nagtataguyod ng kalayaan sa pamamahayag at sa akademikong kalayaan.

Ayon kay Po, “Dapat akong maging mas maingat, mas mapagbantay pero hindi kami pwedeng manahimik.”

‘Pagsusunog ng mga libro’

Kaugnay ng naturang pananakot, matatandaang simula Setyembre ng nakaraang taon ay nagsimula ang pagpapatanggal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga ahente ng rehimeng Duterte sa mga dokumento ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa library o aklatan ng mga unibersidad at pamantasan.

Kabilang sa mga ipinatanggal ang kopya ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at sampung iba pang dokumento na tumatalakay sa usapang pangkapayapaan at programa ng NDFP.

Ibinigay ng mga unibersidad ang mga kopya ng libro sa AFP at PNP para umano pigilan at pangalagaan ang mga mag-aaral kontra sa “panghihimasok ng mga komunista” sa pamantasan. Tahasang paglabag ito sa kalayaang akademiko ng pampublikong paaralan.

Umani ng pagkundena ang naturang aksyon mula sa akademiko at iba’t ibang mga grupo. Ikinumpara nila ang aksyon ito sa taktikang Nazi kung saan ipinasamsam ang mga libro at ipinasunog ang mga ito.

Samantala, bilang bahagi ng pagtuligsa dito ng akademya, inilunsad noong Nobyembre 2021 ng Academics Unite for Democracy and Human Rights ang website na “Aswang sa Aklatan” (https://handsoffourlibraries.crd.co/) para labanan ang atake ng rehimeng Duterte sa kalayaang akademiko. Layunin nito na pagbuklurin ang mga nagtatanggol sa akademikong kalayaan at maging lagakan ng mga binansagan ng gubyerno na “subersibong” babasahin at libro.

AB: Mga tindahan ng libro sa Metro Manila, tinarget ng red-tagging