Midya, nangangamba sa pag-upo ng rehimeng Marcos II
Nanawagan ang grupo ng mga mamamahayag sa rehimeng Ferdinand Marcos Jr. na igalang nito ang kalayaan sa pamamahayag sa bansa at huwag ibayong gipitin. Inilabas ang pahayag matapos ang limitadong akses at mistulang pagsasantabi sa midya sa isinagawang kumperensya ni Marcos Jr. noong Mayo 26.
Tatatlong istasyon sa telebisyon ang inimbitahan ni Marcos Jr. sa “press conference” kung saan tinalakay niya ang mga isyung tutugunan ng kanyang administrasyion sa hinaharap at mga bagong itatalagang personahe sa kanyang gabinete.
Dismayado ang mga grupong midya na hindi inimbitahan at pinahintulutang makadalo sa kumperensya. Ang insidenteng ito ay dagdag sa dati nang pag-iwas at hindi pagsagot ni Marcos Jr. sa mga midya na kritikal sa kanya at kanyang pamilya.
Ayon sa pahayag, “dapat tiyakin ng mauupong pangulo ng Pilipinas ang pangangalaga sa kalayaan sa pamamahayag sa bansa.” Kabilang sa mga pumirma sa pahayag na ito ang National Union of Journalists of the Philippines, Alliance of Independent Journalists (AJI), Center for Independent Journalism (CIJ), The Movement of Independent Media / Gerakan Media Merdeka (Geramm), Freedom Film Network (FFN), Cambodian Journalists Alliance Association (Camboja), at Association of Journalists of Timor Leste (AJTL).
“Ang kalayaan sa pamamahayag ay mahalaga para bigyan-katuparan ang karapatan sa impormasyon ng publiko, na siyang isa sa mga susing bahagi ng demokrasya,” ayon sa mga grupo.
Inalala ng mga grupo na noong paghahari ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr., sikil ang kalayaan sa pamamahayag. Patuloy na lumubha ang pang-aatake sa mga mamamahayag kahit matapos mapatalsik ang diktador. Sa ilalim ng patapos na rehimeng Duterte, dumoble ang mga pag-atake sa mga mamamahayag at independyenteng midya.
Katunayan, pababa ang ranggo ng Pilipinas sa malayang pamamahayag sa nagdaang limang taon, alinsunod sa World Press Freedom Index. Hanggang ngayon, maraming kaso ng mga paglabag sa mga karapatan ng mga mamamahayag ang walang resolusyon.
Isa sa mga dahilan ng nagpapatuloy na pagyurak sa kalayaan sa pamamahayag ang kultura ng kawalang-pakundangan o impunity na nagbibigay-daan para paulit-ulit na dahasin, patahimikin at busalan ang midya, ayon pa sa mga grupo.
Sa naging takbo ng kampanya ni Marcos Jr., isa siya sa tumangging humarap sa midya para sa mga panayam at interbyu. Pinaunlakan lamang niya ang mga piling mga istasyon na pabor sa kanyang kandidatura. Makailang-ulit siyang tumanggi na lumahok sa iba’t ibang mga debate dahil kritikal umano sa kanya at kanyang pamilya ang mga nagsasagawa nito.