Balita

Muling pag-aresto kay Doc Naty, ipinag-utos ng lokal na korte

, ,

Binaligtad ng isang lokal na korte ang nauna desisyon ng korte na nagbabasura sa mga kasong kidnapping at illegal detention laban kay Dra. Natividad Castro, aktibistang duktor na kilala bilang Doc Naty. Dahil dito, muli siyang ipinaaaresto.

Inianunsyo ng Department of Justice (DOJ) noong Hunyo 22 na nakumbinsi nito at ng prosekusyon ang Bayugan City Regional Trial Court (RTC) Branch 7 na katigan ang kanilang motion for reconsideration kaugnay sa pag-aresto kay Doc Naty.

Sa atas noong Hunyo 16 ni Judge Ferdinand Villanueva ng RTC Branch 7, ipinawalambisa at ipinaisantabi niya ang resolusyon noong Marso 2022 na nagpalaya kay Doc Naty.

Nilaman ng resolusyon ng korte noong Marso 2022 ang atas ni Judge Fernando Fudalan Jr, naunang huwes sa kaso, ang desisyong ibasura ang mga kaso ng kidnapping at illegal detention laban kay Doc Naty. Ayon sa naturang desisyon, walang batayan at sapat na ebidensya para ikulong si Castro. Ayon sa huwes, ipinagkait ng mga elemento ng estado ang karapatan ng doktor sa makatwirang proseso (right to due process).

Inaresto si Doc Naty noong Pebrero 18 sa bahay ng kanyang pamilya sa San Juan City. Si Doc Naty ay isang community doctor at tagapagtaguyod ng karapatang-tao sa Caraga.

Madalas nang ginagamit ng estado ang mga kaso tulad ng kidnapping at serious illegal detention laban sa pinararatangan sa mga kasapi ng mga organisasyong progresibo at makabayan at nagtatanggol sa mga karapatang demokratiko.

Kinatigan ng korte ang prosekusyon ng DOJ matapos sabihin nitong pinangalanan ng sinasabing biktima si Doc Naty sa kanyang sinumpaang salaysay (affidavit) noong 2019. Pinalalabas ng prosekusyon na hindi maaaring magkamali ang biktima sa sinabi niyang kasama umano si Doc Naty sa mga dumukot sa kanya.

Noon pa mang Pebrero, kinundena ng mga grupo sa karapatang-tao ang panggigipit at iligal na pag-aresto kay Doc Naty. Sinubaybayan din nila at masugid na ipinanawagan ang pagbabasura sa mga gawa-gawang kasong isinampa laban sa kanya.

AB: Muling pag-aresto kay Doc Naty, ipinag-utos ng lokal na korte