Mungkahing magbuo ng "national torture prevention body," suportado ng mga abugado

,

Sinuportahan ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang mungkahi ng mga tauhan ng United Nations (UN) sa gubyerno ng Pilipinas na magtayo ng isang “national torture prevention body” para bantayan at pigilan ang pagsasagawa ng tortyur ng mga pwersa ng estado. Nabuo ng mga eksperto ang mungkahi nang dumating sa bansa noong Disyembre 3-14 at bumisita sa 40 kulungan, pasilidad militar, istasyon ng mga pulis at iba pa.

“Ang bigat ng mga isyung naobserbahan ng delegasyon ay nagpapatunay ng kakagyatan ng pagtatayo ng isang independyenteng mekanismo para iwasan ang tortyur,” ayon kay Victor Zaharia, pinuno ng delegasyon ng Subcommittee on Prevention of Torture and other Cruel, Inhuman or Degrading Treatment or Punishment (SPT). Dapat bigyan ito ng akses sa lahat ng mga lugar ng pinagkukulungan, aniya.

Ang pambansang mekanismong ito, na dapat may sapat na rekurso, ay magiging susing katuwang ng SPT sa pagpigil sa mga tortyur at hindi magandang trato sa mga inaaresto sa Pilipinas.

Kaugnay nito, pinuna ng NUPL ang mga porma ng tortyur na ipinatutupad ng National Task Force (NTF)-Elcac. Kabilang dito ang kaso ng sapilitang pagpapaamin at “pagpapasuko” sa mga aktibista katulad ng ginawa kina Jhed Tamano and Jonila Castro, dalawang aktibistang anti-reklamasyon. Pinalubha pa umano ng krimeng ito ang pagkakait sa kanilang mga karapatan sa abugado at pagbisita ng pamilya habang nasa kustodiya ng militar.

Sa talaan ng Ang Bayan, hindi bababa sa 44 ang dumanas ng tortyur sa kamay ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa nagdaang taon, Disyembre 1, 2022 hanggang Disyembre 1 ngayong taon. Marami sa mga biktima ay napag-initan ng sundalo o pinararatangang tumutulong sa hukbong bayan.

Kabilang din dito ang kahindik-hindik na isang buwang pagkukulong at tortyur sa aktibistang si Arthur Lucenario. Dinukot siya noong madaling araw ng Abril 14 sa bayan ng San Miguel sa isla ng Bohol. Noong Mayo 12, ibinulagta ang patay niyang katawan sa Barangay Tabuan, Antequera. Gumawa ang AFP ng kwentong engkwentro para pagtakpan ang kanilang krimen. Bakas sa kanyang bangkay ang tindi ng dinanas niyang tortyur.

Sa kasalukuyan, mayroong 12 desaparesido sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Sa harap ng mga kasong ito, suportado ng NUPL ang panawagang bumuo ng mekanismo para sa regular na pagbisita sa mga lugar ng detensyon sa buong bansa.

Kabilang sa delegasyon ng SPT sina Zaharia (Moldova), Satyabhooshun Gupt Domah (Mauritius), Aisha Shujune Muhammad (Maldives), at Martin Zinkler (Germany). Kasama nila ang dalawang Human Rights Officers mula sa Office of the High Commissioner for Human Rights.

AB: Mungkahing magbuo ng "national torture prevention body," suportado ng mga abugado