Balita

Nagsisinungaling si Gibo Teodoro—NDFP Negotiating Panel

, ,

Pinuna ni Ka Juliet de Lima, interim chairperson ng Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), ang mga pahayag ni Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr kamakailan kaugnay ng usapang pangkapayapaan at pinirmahang Oslo Joint Statement noong Nobyembre 23.

Imbes “pagpapasuko” sa rebolusyonaryong kilusan, tulad ng ibinabalandra ni Teodoro, dapat umanong pag-usapan ang sustantibong adyenda sa negosasyon kabilang ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER), na tatalakay sa mga sosyo-ekonomikong ugat ng armadong tunggalian.

Sadyang nagsisinungaling si Teodoro na “nagkaroon ng rekwes ang NDF sa isang negosyador na handa silang isuko ang armadong pakikibaka at kung ganun, bakit nga naman hindi (kami) makikipag-usap?” Walang katotohanan ang pahayag na ito.

Pambabaluktot din ang pahayag ni Teodoro na ito ang batayan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) nang makipagkasundo na pag-usapan ang posibilidad ng muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan. “Ang GRP ang unang lumapit sa NDFP at hindi ang kabaligtaran,” ani Ka Julie.

Malinaw ang tindig ni Teodoro sa karugtong na pahayag nito na “magpapatuloy ang mga aktibidad ng Armed Forces of the Philippines, ng Philippine National Police, at ang National Task Force-Elcac.” Sa aktwal, mangangahulugan ito nang walang-ampat na mga paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng kampanyang kontra-insurhensya sa kanayunan.

“Sintunado itong si Teodoro sa tono ng kanyang mga katrabaho sa delegasyon ng GRP, gayundin sa kung ano ang napagkasunduan ng dalawang Partido sa joint statement noong Nobyembre 23,” ayon kay Ka Julie.

Idiniin ni de Lima at ng NDFP na pumapasok sa negosasyong pangkapayapaan ang rebolusyonaryong kilusan hindi para pag-usapan ang pagsuko, kundi para lumikha ng espasyo para talakayin sa katanggap-tanggap at prinsipyadong pamamaraan ang pagkakamit ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

AB: Nagsisinungaling si Gibo Teodoro—NDFP Negotiating Panel