Makikinabang sa Peace Talks ang magsasaka sa niyugan
Lubos ang pagkalugod at suporta ng rebolusyunaryong mamamayan sa lalawigan ng Quezon sa pinirmahang Oslo Joint Statement ng National Democratic Front of the Philippines at kinatawan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas noong Nobyembre 23, 2023.
Ang kasulatang ito ay panimulang hakbang sa posibilidad ng muling pagbubukas ng naunsyaming usapang pangkapayapaan noong 2017 matapos itong lantarang sabotahehin ng dating Pangulo at mga kasapakat niyang militaristang Heneral at opisyal ng rehimeng US-Duterte.
Sa harap ng napipintong pagpapatuloy ng peace talks, ang sambayanang Pilipino kasama ang mamamayan ng lalawigan ng Quezon ang tiyak na makikinabang kapag ito ay nagtuloy-tuloy sa pagpipinal at pagpapatupad ng kasunduan at programang nilalaman ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER).
Nakapaloob sa CASER ang paglutas sa daan taon nang suliranin ng kawalan ng lupa sa pamamagitan ng isang tunay na repormang agraryo. Magiging benepisyaryo nito ang mga magsasaka at maralita sa kanayunan ng lalawigan.
Habang ang magniniyog ang itinuturing na pinakapobreng bahagi ng agrikultural na ekonomya ng bansa, nananatiling isa ang Quezon sa pinakamalaking prodyuser ng niyog sa Pilipinas kung saan 10% ng kabuuang suplay ay mula rito. Hindi bababa sa 200,000 pamilyang magsasaka sa niyugan ang tuwirang nakaasa sa industriya ng niyog.
Kasabay ng panawagan ng rebolusyunaryong kilusan sa karaniwang mamamayan na dapat suportahan ang pagpapatuloy ng peace talks, hinihikayat din ang punong ehekutibo ng probinsya na si Gov. Helen Tan na gamitin itong pagkakataon para pag-aralan ang mga dokumentong nabuo mula nang magsimula ang negosasyong pangkapayapaan sa bansa.
Mahalagang maunawaan ni Gov. Helen Tan ang ugat ng armadong tunggalian nang sa gayon ay hindi siya mahulog sa patibong ng militaristang pamamaraan ng 201st Infranty Brigade ng Philippine Army sa paglutas ng suliranin ng mamamayan sa lalawigan.
Marapat na seryosong pag-aralan ni Gov. Helen Tan ang pagtatatwa at tuluyang pag-abandona sa ikinakampanya niyang localized peace talks na dili’t walang pinag-iba sa Retooled Community Support Program Operations ng Armed Forces of the Philippines na layuning patahimikin ang mamamayan at tanggapin ang mapanlinlang at di-makataong programa para sa taumbayan.
Nakikiisa kami sa panawagang alisin ang mga balakid para matuloy ang peace talks kabilang ang pagbabasura sa Anti-Terrorism Act na nagtuturing sa CPP-NPA-NDFP na terorista.
Nakikiisa kami sa panawagang pagpapalaya sa nakaditineng labingdalawang (12) NDFP consultant sa kabuuang 800 political detainees sa bansa kung saan ang siyam (9) sa kanila ay nagmula sa lalawigan ng Quezon.
Nararapat na maging mapagbantay ang sambayanang Pilipino para hindi masabotahe na naman ang nasimulang pagpirma sa hangaring masimulang muli ang peace talks.
Nararapat na hindi bumitiw ang buong rebolusyunaryong kilusan lalo na ang Bagong Hukbong sa pagsusulong ng armadong paglaban sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.
Malinaw sa pulang hukbo ng mamamayan na hinding-hindi kailanman mapapag-usapan ang pagsasalong ng armas ng Bagong Hukbong Bayan kagaya ng gustong ipilit ng militaristang utak ng mga pumirma sa Oslo Joint Statement. Ito ay tusong-pakana at saywar ng Armed Forces of the Philippines para engganyuhin sa kapitulasyon o pagsurender ang armadong paglaban na pinangungunahan ng New People’s Army.
Malulutas lamang ang sanhi ng pag-aarmas ng mamamayan kapag nasolusyunan na ang pundamental na mga suliranin sa lipunan lalo na ang kawalang-lupa ng magsasaka na silang pangunahing kalahok sa digmang bayan. Ito ang maggagarantiya sa pagkakamit ng tunay at pangmatagalang kapayapaan na nakabatay sa katarungan.#