Nairehistrong mga SIM card, 29% pa lamang
Nanganganib maputulan ng linya sa komunikasyon ang umaabot sa 119.8 milyong subscriber sa selpon habang papalapit ang dedlayn sa pagpaparehistro ng SIM card sa susunod na buwan. Sa ulat ng Department of Information and Communications Technology (DICT), nasa 49.20 milyon pa lamang sa 169 milyong subscriber o 29.12% ang nakarehistro hanggang noong Marso 21. Sinumang subscriber na hindi makapagpaparehistro bago o sa Abril 26 ay hindi na makakapadala o makatatanggap ng text o makagagamit ng internet gamit ang kanilang numero. “Pinag-aaralan” pa lamang DICT kung palalawigin nito ang dedlayn o hindi.
Noon pa man, malaking usapin na ang potensyal na pagkaputol at pagkakait sa milyun-milyong Pilipino sa serbisyo ng telekomunikasyon dulot ng pwersahang pagpaparehistro ng mga SIM card. Sa unang araw pa lamang ng pagpaparehistro, hirap at perwisyo ang dinanas ng mga subscriber dahil sa palpak na sistemang online ng mga kumpanya sa telekomunikasyon. Limitado rin ang mga pwesto kung saan pisikal na makapagpaparehistro ang mga subscriber na walang smartphone at walang kuneksyon sa internet. Milyun-milyon sa kanila ang nasa kanayunan kung saan limitado ang imprastruktura at mahina o walang signal pang-internet.
Samantala, binatikos ng Junk Sim Registration Network ang pahayag ni Senator Grace Poe kung saan sinabi niyang naglipana pa rin ang text scam kahit pa mayroon nang SIM registration. Si Poe ang numero unong tagapagtulak ng mapaniil na batas.
“Paulit-ulit nang nasabi ng maraming organisasyon at grupo na hindi solusyon ang SIM registration sa mga text scam,” ayon kay Maded Batara III, tagapagsalita ng grupo. “Ang sinasabi ngayon ni Poe, matapos purihin niya…ang batas bilang pinakasolusyon sa mga scam, ay nagpapatunay na isang lamang scam ito ng gubyerno.” Anila, ang pwersahang pagpaparehistro ay magbubunga lamang ng paglitaw ng black market o bilihan ng iligal na mga rehistrado nang SIM.
‘
Ipinasa ang SIM Card Registration Law sa gitna ng pagtutol ng mga eksperto, mga tagapagtanggol ng karapatang digital at karapatang-tao at mga demokratikong organisasyon. Seryosong nilalabag ng pwersahang pagpaparehistro ng mga SIM card ang karapatan sa pribasiya ng mamamayan. Sa ilalim ng mapanupil na estado, ginagamit ito para manmanan ang populasyon at gipitin ang mga indibidwal at grupong kritikal sa anti-demokratikong patakaran at programa ng gubyerno.