Napakataas na singil sa kuryente sa Ilocos, binatikos
Binatikos ng mga residente ng Ilocos ang napakataas na singil sa kuryente sa rehiyon, sa kabila ng ipinagmamayabang na Bangui Windmills bilang alternatibong pinagkukunan ng enerhiya.
Ayon sa grupong Power for the People Coalition (P4P) sa isang pahayag noong Agosto 3, umaabot sa ₱16.767 kada kilowatt hour ang binabayaran ng mga konsyumer ng Ilocos Norte Electric Cooperative, habang ₱16.1192 naman kada kilowatt hour ang singil ng Ilocos Sur Electric Cooperative Inc. Mas mataas pa ang mga ito sa mataas ring singil ng Meralco na ₱9.7545 kada kilowatt hour.
“Hindi tama para kanino mang Pilipino na magbayad ng higit “16 kada kilowatt hour para sa kuryente, at lalo na Ilocos na hindi man kasing-unlad sa National Capital Region ay mayroon namang malaking potensyal para sa renewable energy,” ayon kay Gerry Arances, kumbernor ng P4P.
Tinukoy niya ang paggamit ng coal o karbon bilang pangunahing salarin sa napakataas na singil. Kumukuha ng kuryente ang dalawang kooperatiba mula Masinloc coal plant at Limay coal plant. Tumaas ang presyo ng coal mula nang unti-unting nagbukas ang ekonomya at pagsiklab ng gera sa Ukraine.
Bago nito, binatikos ng mga grupong makakalikasan si Ferdinand Marcos Jr sa kawalan ng kongkretong programa para sa paglipat ng mapagkukunan ng enerhiya mula sa tinaguriang “maruruming enerhiya” tulad ng karbon at gasolina tungo sa mga magpakukunan ng mas malinis na enerhiya. Ipinagmamalaking balwarte ng mga Marcos ang Ilocos. Sa panahon ng kampanya, inihambog pa niya ang Bangui Windmills, na maling inangkin niyang proyekto ng kanyang pamilya.