Balita

Operasyon ng AFP sa Northern Samar, para sa pagmimina ng bauxite

,

Pagtataguyod sa interes ng malalaking korporasyon sa pagmimina ang pinakapakay ng mga operasyong militar na isinasagawa ng AFP sa Northern Samar.

Ayon sa ulat ng Bagong Hukbong Bayan-Northern Samar (Arnulfo Ortiz Command) na inilathala sa Larab noong Nobyembre 6, ang mga operasyon ng 87th IB ay nakatuon sa pagmimina ng bauxite.

Hindi bababa sa sampung baryo sa bayan ng Motiong, San Jorge, San Jose de Buan, Paranas at Jiabong ang kasalukuyang hinahalihaw ng 87th IB mula pa Oktubre. Nasa lugar ang mga sundalo para bigyan-seguridad ang operasyong pagmimina sa nabanggit na mga barangay.

Pagmamay-ari ng pamilyang Alcantara mula sa Davao ang kumpanyang Marcventures Holdings Inc. na nagmimina ng bauxite sa Western Samar. Saklaw ng permit ng kumpanya ang mahigit 17,000 ektarya.

Sa Samar matatagpuan ang pinakamalaking deposito ng bauxite sa buong bansa. Umaabot sa 41.7 milyon metriko tonelada ang reserba dito. Iniluluwas ang bauxite, pangunahin, patungo sa China para iproseso.

Ang bauxite ay isang mineral na ginagamit sa produksyon ng aluminum. Ang aluminum alloy ay mahalagang materyal para sa industriya ng aerospace, transportasyon at konstruksyon.

Ang Larab ay rebolusyonaryong pahayan ng mamamayan ng Eastern Visayas.

AB: Operasyon ng AFP sa Northern Samar, para sa pagmimina ng bauxite