Balita

Operasyong haras kontra 79th IB, inilunsad ng BHB-Northern Negros

Pinaputukan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) ang nag-ooperasyong tropa ng Charlie Company ng 79th IB sa Purok 5, Barangay XI (Gawahon), Victorias City, Negros Occidental noong Setyembre 14 ng gabi. Sa paunang ulat, nasugatan ang ilan sa mga sundalo ng 79th IB.

Ayon kay Ka Cecil Estrella, tagapagsalita ng BHB-Northern Negros, naisagawa ng BHB ang matagumpay na operasyon dahil sa malapad na suportang masa sa lugar at kalapit na mga komunidad. “Sinusuportahan ng masa ang kanilang tunay na hukbo, ang BHB, na nagsisilbi sa interes ng inaapi at pinagsasamantalahang mga sektor,” aniya.

Dagdag ni Ka Cecil, ang Barangay Gawahon, kung saan inilunsad ang operasyong haras, ay mayroong kinahaharap na tunggalian sa lupa dahil sa bulok na pagpapatupad ng gubyerno sa bogus na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Bukod dito, nakatakda rin ang pagpasok ng malalaking mga proyekto ng naghaharing-uri sa barangay at syudad.

Katulad sa maraming lugar sa isla ng Negros at sa buong bansa, nagsisilbing protektor ng mga mapangwasak na proyekto at bulok na programa ng estado ang 79th IB at mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Tagatiyak sila na walang titindig na mamamayan laban sa mga proyektong ito.

“Isinasapanganib ng mga ito ang buhay at kabuhayan ng mga mamamayan sa lugar,” pahayag ni Ka Cecil. Bilang hukbo ng masang api, inilulunsad ng BHB ang mga taktikal na opensiba para ipagtanggol ang masa at pira-pirasong pahinain ang kakayahan ng AFP.

Samantala, para itago ang kanilang pagkatalo kaugnay ng operasyong haras ng BHB-Northern Negros, inianunsyo ng 79th IB noong gabi ng Setyembre 14 na isang “engkwentro” ang naganap laban sa yunit nila at ng BHB. Tulad sa nakaraan, sinasabi nitong “remnants” o tira-tirang pwersa na lamang ng BHB-Northern Negros ang kanilang nakalaban.

AB: Operasyong haras kontra 79th IB, inilunsad ng BHB-Northern Negros