Opereytor ng mga trak, umalma sa matarik na pagtaas ng toll fee

,

Nagprotesta ang isang grupo ng mga opereytor ng mga trak kahapon, Hulyo 20, sa bungad ng North Luzon Expressway sa Balintawak, Quezon City, para batikusin ang walang awat na pagtaas ng toll fee o singil para makadaan dito. Nagpaabot na ang grupo ng petisyon sa Toll Regulatory Board, pero hindi ito inaksyunan ng ahensya dahil lagpas na diumano sa dedlayn ang kanilang pagprotesta.

Itinaas ng NLEX ang toll fee noong Hunyo 15 nang ₱19 hanggang ₱100 para sa malalaking sasakyan. Mula sa petsang ito, ₱995 na ang toll fee ng mga Class 3 na sasakyan, kung saan nabibilang ang mga trak, mula sa bungad nito sa Mindanao Avenue hanggang sa St. Inez, Pampanga. May haba itong 101.8 kilometro.

Liban sa napakataas na toll fee, inirereklamo rin ng grupo ang masamang serbisyo ng NLEX at trapik na nagdadagdag sa kanilang gastos sa petrolyo.

Sa isang panayam, sinabi ng lider ng grupo na tiyak na ipapasa ang dagdag na singil sa mga konsyumer dahil patong-patong na ang idinagdag sa gastos ng mga nagbibiyaheng trak.

Isa namang “truck caravan” na lalahukan ng 50 trak ang isasagawa ng ACTOO ngayong araw, Hulyo 21, sa Lungsod ng Maynila para ipanawagan ang pagbaba ng toll fee. Humingi sila ng pasensya sa publiko sa tiyak na idudulot nitong pagbagal sa trapik.

“Pasensya na po at kailangan po namin itong gawin upang maiparating sa kinauukulan ang ating hinaing,” pahayag ng grupo. “Kami po ay lumalaban para itigil ang pagtaas ng Toll Fee sa NLEX Corporation. Kasama po kayo sa laban na ito, dahil ang pagtaas ng toll fee ay mangangahulugang tatas din ang presyo ng mga bilihin…pagkain at iba pang kailangan ng transportasyon.”

Ang NLEX ay pinatatakbo ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) na bahagi ng MVP Group of Companies. Kabilang sa grupo ng mga kumpanyang ito ang higanteng kumpanyang telekomunikasyong Smart/PLDT, Metro Pacific Investments Corporation, Makati Medical Center at iba pang ospital, kumpanyang Meralco at marami pang iba. Pinamumunuan ang grupong ito ni Manny Pangilinan.

Noong 2022, nagtala ang MPTC ng ₱14.2 bilyon netong kita, mas mataas nang 15% kumpara sa nakaraang taon.

AB: Opereytor ng mga trak, umalma sa matarik na pagtaas ng toll fee