Balita

Oplan-pinta kontra batas militar ng kabataan, sinupil

,

Tatlong kabataang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang dinampot ng nakasibilyang mga pulis ngayong araw sa Quiapo, Manila. Nagsasagawa ang mga kabataan ng “oplan-pinta” bilang paggunita sa ika-52 anibersaryo ng batas militar at diktadura ng unang rehimeng US-Marcos nang damputin kaninang madaling araw.

Ayon sa pahayag ng League of Filipino Students (LFS), kasapi ng kanilang organisasyon ang isa sa mga inaresto habang ang dalawang iba pa ay mga myembro ng Panday Sining. Ulat ng LFS, ang tatlo ay tinutukan ng baril bago dinala sa presinto upang sampahan ng kasong bandalismo.

Kinundena ng mga grupong kabataan ang pag-aresto sa tatlong estudyante. Anila, “paglabag [ito] sa karapatang pantao at lantarang paggamit sa batas bilang sandata para supilin ang lehitimong mga panawagan ng mamamayan.”

Ayon sa mga inaresto, dumanas sila ng intimidasyon at pisikal na pananakit habang nasa kustodiya ng mga pulis. Isa sa kanila ay kinuwelyuhan nang walang dahilan. Tinatakot rin sila at pinararatangang mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Nanawagan ang LFS at iba pang mga grupo ng kabataan na palayain ang tatlong estudyante at kaagad na ibasura ang tinawag nilang gawa-gawang kaso laban sa mga ito. Nagsagawa sila ng rali ngayong araw sa Manila Police District Station 14 para igiit ito.

“Ang mga kabataang Pilipino ay kumakaharap ng napakatinding krisis sa karapatan sa edukasyon, demokratikong karapatan, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at iba pa. Anumang pagkilos para sa pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos ng kabataan at sambayanan sa mga usapin na ito ay wasto at nararapat,” anang LFS.

Wala din umanong mali sa paggamit sa mga espasyong publiko tulad ng mga pader para patampukin ang panawagan ng mamamayan.

AB: Oplan-pinta kontra batas militar ng kabataan, sinupil