Organisasyon ng mga guro, babantayan ang karapatan ng sektor ngayong bakasyon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Inilunsad ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines noong Hunyo 5 ang kampanya nitong ‘Bantay Benepisyo at Karapatan’ para tiyakin na iginagalang ang karapatan ng mga guro ngayong panahon ng bakasyon. Tatagal ang bakasyon sa eskwela mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 30 kung saan hindi pwedeng bigyan ng mga tungkulin at aktibidad ang mga guro.

Nakasaad sa Department of Education Order 003, s. 2024 ang patakarang ito. Babantayan ng ACT Philippines at mga panrehiyong balangay nito ang pagpapatupad sa naturang atas sa pagkalap ng mga ulat mula sa kanilang mga kasapi at kapwa guro. Nais nilang tiyakin na kikilalanin ng DepEd ang karapatan ng mga guro para sa sapat na pahinga, at iba pang mga karapatan.

“Malinaw sa [atas] na nakalaan ang Hunyo para sa buong pahinga ng mga guro at dapat na walang anumang sapilitang pagpapatrabaho, pagpapapasok, o pagpapadalo sa anumang gawain o aktibidad sa paaralan sa panahong ito,” pahayag ni Vladimer Quetua, tagapangulo ng ACT.

Ayon naman kay Ruby Bernardo, pangulo ng ACT National Capital Region Union, mahalagang tiyakin na may 84 araw na Proportional Vacation Pay (PVP) ang mga guro sa bawat taon, at matumbasan nang karampatang overtime o overload pay at service credits ang bawat inaatang at tinatanggap na dagdag na trabaho sa mga guro.

“Kada taon napapansin natin na nababawasan ito at hindi naibibigay ang karampatang credits para sa mga kaguruan dahil sa limitadong service credits,” ayon pa kay Bernardo. Makakatulong umano ang itinayong hotline ng ACT Philippines para matiyak at mabantayan ito.

Pahabol ni Quetua, sa darating na Hulyo 1 hanggang Hulyo 28 ay dapat namang bantayan at matiyak ng mga guro na maibibigay sa kanila ang 1.25 na service credit kada araw.

AB: Organisasyon ng mga guro, babantayan ang karapatan ng sektor ngayong bakasyon