Paano naging ina ng bayan si Ka Lorena
Tulad ng ibang Pulang mandirigma, nagsisimula ang araw ni Ka Lorena sa paggising nang madaling araw, pag-iempake ng gamit, at pag-aalerto habang hinihintay ang pagsikat ng araw. Pagkatapos, gagampanan na niya ang kanyang tungkulin bilang upisyal sa lohistika ng kanilang yunit gerilya.
Nang makapanayam ng Larab si Ka Lorena, iniimbentaryo niya ang mga sako ng bigas, gulay, duma (root crops), at panggatong na dinala ng mga kasama. Nakita niyang medyo limitado ito, lalupa’t may kahirapan ngayon ng pagpapadaloy ng suplay sa erya. Ngunit hindi gaano nababahala ang mga kasama. Tiwala sila kay Ka Lorena, na malambing nilang tinatawag bilang “Mama,” na tulad ng isang ina ay gagawan ng paraan anumang kasalatan nila.
Ilang dekada na niya itong ginagawa. Bago magpultaym, simpleng maybahay lamang siya sa isang baryo sa Eastern Visayas. Bagong kasal pa lamang sila noon ng kanyang asawa at wala pang sariling anak, ngunit naging ina na siya sa mga anak ng mga pultaym na kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na ipinagkatiwala sa kanya. Hindi nakapagtatakang sanay siyang mag-asikaso ng isang malaking pamilya.
Kalaunan ay naging kasapi si Ka Lorena ng lokal nga balangay ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka) at ng sangay ng Partido Komunista ng Pilipinas. Sa sangay at komiteng seksyon ng Partido, kapwa siya nagsilbing upisyal sa pinansya. Nang maitayo ang kooperatiba sa kanilang baryo, kabilang siya sa nagpatakbo at nagpaunlad nito. Hanggang ngayon nakatayo ang kooperatiba sa kabila ng paglansag ng militar sa mga organisasyong masa sa lugar.
Nang mas tumindi pa ang militarisasyon, tinarget ang kanyang asawa ng militar at naobligang magpultaym sa BHB. Kahit na walang katuwang, walang pagdadalawang-isip na binalikat ni Ka Lorena ang paghahanap-buhay habang inaalagaan ang pito nilang anak. Alas-3 pa lamang ng madaling araw, magbabayo na siya ng palay at pagliwanag, gigisingin ang mga bata para patulungin sa gawaing bahay at magluto ng ibabaon sa pagtatrabaho sa bukid. Sa kanyang pagsisikap, nakaagapay sila, minsan higit pa sa pangangailangan, kaya umuutang pa sa kanya ng palay ang ibang nanay kasama ang mga asawa.
Pagkaraan ng ilang taon, pati si Ka Lorena at kanyang mga anak ay tinugis na ng militar. Sa tulong ng Partido at mga organisasyong masa, nakalikas sila sa ibang baryo. Ngunit dahil malawakan ang militarisasyon, naobliga silang lumabas ng rehiyon. Wala naman siyang makuhang trabaho sa pinaglipatan kaya nagpultaym na rin sa BHB si Ka Lorena. Nang makatuntong sa wastong edad, boluntaryong sumampa sa BHB ang ilan sa kanilang mga anak.
Hindi nahirapan si Ka Lorena sa pagiging Pulang mandirigma. Sanay naman siyang magising nang maaga at magdala ng mabigat na suplay bilang upisyal sa lohistika. Pinakamahirap pa para sa kanya, at noon madalas niyang iyakan, ang pagkakawalay sa mga anak na hindi pa maaaring sumampa sa BHB. Ngunit kalauna’y natanggap na niya ang ganitong kalagayan.
“Mas pinili ko talagang magpultaym imbis na manatili sa ibang lugar dahil ayokong mahawakan ng kaaway at pasukuin ako, wala naman akong kasalanan,” aniya. Para kay Ka Lorena, liban sa disiplinado at prinsipyado ang hukbong bayan, nagsisilbi rin itong kanlungan ng mga tulad niyang ginigipit ng estado.
Matapos mag-imbentaryo ng suplay, dumalo si Ka Lorena sa miting ng kumand. Iniulat niya ang kalagayan ng suplay, gaano ito karami at hanggang kailan ito tatagal. Kahit na limitado, nangako siyang hindi ito magkukulang, at magagawan niya ito ng paraan.
Pagkatapos ng pulong, may dumating na masa na naghatid ng suplay at impormasyon hinggil sa kilos ng kaaway. Agad siyang binati nina Ka Lorena at pinagpahinga muna sa isang kubo.
Para makapagkape ang masa, inilabas ni Ka Lorena ang kanyang thermos. Lagi itong may lamang mainit na tubig para maialok sa sinumang bumibisita. Nag-alok din siya ng kaunting meryenda sa bagong dating at, nang may pagkalinga ng isang ina, nakipagkwentuhan kasama ang kapwa niya mga mandirigma.
—isinalin mula sa orihinal na Winaray na inilathala sa Larab Mayo 9, 2026, rebolusyonaryong pahayagang masa sa Eastern Visayas