Pag-aresto ng 79th IB sa lider-manggagawang bukid, kinundena
Kinundena ng Human Rights Advocates Negros (HRAN) ang pag-aresto ng 79th IB sa lider ng mga manggagawang bukid na si Jose Puancing noong Oktubre 7 ng hapon. Inaresto si Puancing sa gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives na mula pa sa paghalughog ng kanyang bahay noong 2019.
Ayon sa HRAN, ang pag-aresto kay Puancing ay batay sa pinalalabas ng Philippine National Police (PNP) at 79th IB na nakumpiskang mga armas at pampasabog nang ipinatupad ang search warrant noon pang 2019 sa mga upisina ng iba’t ibang organisasyong masa sa Bacolod at Escalante City. Ang mandamyento na ito ay inilabas ni Judge Cecilyn Burgos-Villavert ng korte sa Quezon City.
Marami nang kaso na iniresulta ng depektibong mga mandamyentong inilabas ni Villavert ang ibinasura ng korte dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Nababahala ang HRAN sa muling pagsikad ng serye ng mga pag-aresto sa mga lider-magsasaka at mga manggagawang bukid sa nagdaang taon sa konteksto ng kampanyang kontra-insurhensya ng rehimeng Marcos.
“Nananawagan ang HRAN sa mamamayan na kundenahin ang pag-aresto at makiisa sa aming pagpoprotesta laban sa nagpapatuloy na atake sa mga organisasyong masa,” saad ng grupo.