Pag-aresto sa 69-anyos na batikang babaeng aktibista, kinundena
Kinalampag ng iba’t ibang progresibong grupo ang Camp Karingal sa Quezon City kahapon, Enero 27, kasunod ng pag-aresto ng mga pwersa ng estado sa 69-anyos na si Myrna Cruz-Abraham. Si Cruz-Abraham ay inaresto sa San Rafael, Bulacan noong umaga ng Enero 27.
Dinakip ang biktima sa bisa ng mandamyento de aresto na inilabas ng isang korte sa Cagayan kaugnay ng mga kasong bigong pagpaslang at pagpaslang. Mula sa Bulacan ay inilipat siya sa Camp Karingal kung saan siya kasalukuyang nakapiit.
Sa ulat ng alternatibong pahayagan na Manila Today, kasama ng biktima ang kanyang anak nang damputin ng walong nakasibilyang pwersa ng estado sa isang supermarket sa San Rafael, Bulacan. “Anak ko, huwag mo akong iiwan,” sinabi ni Cruz-Abrahan sa kanyang anak na babae habang inaaresto ng mga pwersa ng estado.
Dinala si Cruz-Abraham at kanyang anak sa San Rafael Municipal Police Station at matapos ang ilang oras ay nagtungo sila sa Quezon City General Hospital para sa eksaminasyong medikal. Dinala pa rin ang biktima sa Camp Karingal sa kabila ng mataas niyang presyon na 160/80 na maaari nang ituring na stage 2 hypertension.
Si Cruz-Abraham ang unang naitalang bilanggong pulitikal ngayong taon ayon sa Karapatan-National Capital Region (NCR) at ika-155 sa ilalim ng rehimeng Marcos. Sa kabuuan, mayroon nang hindi bababa sa 763 na bilanggong pulitikal sa bansa.
Hindi ito ang unang pagkakataon na iligal na inaresto si Cruz-Abraham sa gawa-gawang mga kaso, ayon sa Karapatan-NCR. Noong 2010, sa panahon ng rehimeng Arroyo, dinakip at inaresto na si Cruz-Abraham sa kasong pagpaslang at paglabag sa “gun ban” noong panahon ng eleksyon sa Cagayan Valley. Naibasura ang naturang kaso noong Disyembre 2010 na nagbigay daan sa kanyang paglaya.
Si Cruz-Abraham ay isang guro, manunulat, at matagal nang organisador na nagtataguyod sa karapatan ng kababaihan, manggagawa, katutubo, at magsasaka mula pa 1989. Isa rin siya sa mga nagtatag ng Women’s Center at naging bahagi ng Center for Women’s Resources. Kabilang din siya sa iba’t ibang organisasyon tulad ng Women Industrial Workers Alliance (WIWA), Kilusang Manggagawang Kababaihan (KMK), at St. Joseph’s Social Services and Crisis Management Committee-National Capital Region.
Nagsilbi rin siyang kasaping tagapagtatag noong 2017 ng Sandiwa-Network of Advocates for National Minority Rights (SANDIWA), isang network para sa mga katutubo at moro o ng pambansang minorya. Mula noon ay mahigpit na isinusulong ni Cruz-Abraham ang karapatan ng mga katutubo at pambansang minorya sa sariling pagpapasya, lupang ninuno, at teritoryo. Bahagi rin si Cruz-Abraham sa matagumpay na isinagawang Lakbayan kung saan siya ay tumulong sa Bakwit School ng mga Lumad sa Maynila noong 2017 hanggang 2019.
Nanawagan ang mga grupo sa karapatang-tao na kaagad ibasura ang mga kasong kriminal na isinampa sa kanya at palayain mula sa pagkakapiit. Magdiriwang si Cruz-Abraham ng kanyang ika-70 kaarawan sa darating na Enero 31.