"Pag-imbestiga" ng Senado sa diumano'y kaso ng panggagahasa sa BHB, isang perya lamang, anang PKP
Tumugon ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa paghahain ng resolusyon ni Sen. Robinhood Padilla sa Senado ng Pilipinas noong Agosto 20 na nagtutulak ng imbestigasyon sa umano’y mga kaso ng panggagahasa at karahasang sekswal sa loob ng rebolusyonaryong kilusan. Ayon sa Partido, malinaw na isa lamang itong “diversionary tactic” matapos malantad ang kabalbalan at anti-kababaihang tindig ni Padilla sa isang nauna pang pagdinig.
Inihain ni Padilla ang Senate Resolution 1162, na nais umanong busisiin mga kaso ng panggagahasa sa hanay ng Partido at Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ginawa niyang batayan dito ang akusasyon ng mga babaeng umano’y dating mga Pulang mandirigma na umano’y nakaranas ng panggagahasa, molestayon at panghihipo sa loob ng hukbong bayan.
Tinukoy ni Marco Valbuena, punong upiyal sa impormasyon ng Partido, na kahit pa gustuhin ng senador na magtulak ng gayong imbestigasyon, “hindi naman saklaw ng kapangyarihan ng senado o kanyang gubyerno ang PKP at BHB.” Aniya, gagawin lamang ni Padilla na perya ang senado, na siya mismo ang payaso, katuwang ang NTF-Elcac at AFP na eksperto sa paghahabi ng mga kwento laban sa PKP at BHB.
Idiniin ni Valbuena na sa mga batas ng gubyernong bayan, mahigpit na mahigpit na ipinatutupad ng Partido, BHB at buong rebolusyonaryong kilusan ang mga patakarang nangangalaga sa interes ng kababaihan, pati na ng mga minoryang kasarian, laban sa diskriminasyon, pang-aabuso at karahasan.
“Bawal ang mga rapist sa PKP at BHB, hindi katulad sa reaksyunaryong gubyerno, na nahahalal pa bilang presidente at mambabatas,” aniya. Ayon pa kay Valbuena, patakaran ng Partido at BHB na itiwalag at parusahan ang sinumang napatunayang nagkasala ng panggagahasa.
Nagpasaring naman ni Valbuena kay Sen. Padilla na tiyak siyang alam ng senador ang mga patakaran ng rebolusyonaryong kilusan hinggil sa kababaihan dahil “minsan na niyang nakahalubilo ang BHB.”
“Sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas, magkapantay ang mga karapatan ng mga karapatan mga babae at lalaki, maging ang mga bakla, lesbyan, at iba pang kasarian, sa pamumuno at paggampan ng mga tungkulin sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka, kabilang ang pagiging mga kumander ng BHB,” pagtatapos ni Valbuena.
Ayon kay Padilla, nais niyang imbestigahan ay ang kaso at pahayag ni Lady Desiree Miranda noong 2020 sa isang pagdinig rin sa senado na ginahasa siya ng isang kumander noong 2016, minolestya ng kanyang iskwad lider noong 2017, at nakaranas ng sexual assault noong 2018 habang nasa BHB.
Ang pahayag na ito ni Miranda ay pinasinungalingan na ng rebolusyonaryong kilusan sa Central Luzon. Sa espesyal na isyu noong Enero 2021 ng Bigwas, rebolusyonaryong pahayagang masa sa West Central Luzon, inilatag nito ang nangyari kay Miranda habang mandirigma ng BHB sa kabundukan ng Caraballo.
“Walang katotohanan ang alegasyon ni Miranda. Hindi siya biktima ng panggagahasa sa loob ng Hukbo, at walang karahasan sa kababaihan na naganap sa panahong siya ay kasapi ng BHB,” salaysay ni Ka Leyan, babaeng Pulang mandirigma at upisyal sa pulitika na ka-yunit ni Miranda sa panahong nasa larangan pa siya.
Idiniin niya na isang malaking krimen sa BHB ang kaso ng panggagahasa. Nililitis ang ganitong mga kaso sa hukumang bayan kung saan dumadaan sa masinsin at maingat na proseso para sa katarungan sa mga biktima.
Kwento ni Ka Leyan, si Miranda ay umalis sa kanyang yunit noong 2018 sa pangangailangang atensyong medikal. Dahil kumahaharap sa problemang pangkalusugan sa pag-iisip, nagpasya ang Komite ng Partido sa Caraballo na pagpahingahin siya at tulungang bigyan ng atensyong medikal. Sa pagsusuri kay Miranda, natuklasan ng mga kasama na bago siya pumasok sa hukbo ay nakaranas siya ng sekswal na pang-aabuso na lubhang nakaapekto rin sa kanyang kalusugan sa pag-iisip.
Labis ang galit ng mga kasama na si Miranda ay hinawakan ng militar at pinilit na gamitin sa kampanyang saywar at paninira sa rebolusyonaryong kilusan. Ayon kay Ka Leyan, “sa halip na siya ay ipagamot…sinamantala at minanipula ng AFP ang kalagayan ni Miranda.”