Balita

Pagbabalik sa kinaltas na badyet sa mga SUC, ikinakampanya

Itinutulak ng Kabataan Partylist at mga grupo ng kabataan ang pagbabalik sa kinaltas na badyet ng rehimeng Marcos para sa mga state universities and colleges (SUC) sa panukalang badyet sa 2025. Sa naturang panukala, babawasan ni Marcos nang 11.29% o ₱14.48 bilyon sa badyet ng SUCs, kumpara sa tinanggap ng mga ito ngayong 2024.

Noong Agosto 29, naghain ng resolusyon ang Kabataan Partylist sa House of Representatives para ibalik ang kinaltas na badyet. Pinuna nito ang rehimeng Marcos sa pagpapabaya sa sektor ng edukasyon habang lumobo nang 51% ang pondo nito para sa sektor ng depensa.

Sa panukalang badyet ng rehimen, naglaan ito ng ₱113.75 bilyon mula sa dating ₱128.23 bilyon ngayong 2024 para sa mga SUC. Samantala, ang badyet ng sektor ng depensa ay umabot ng ₱419 bilyon para sa 2025 mula sa ₱278 bilyon ngayong 2024.

Ayon sa partido ng kabataan, 28 sa 116 SUC ang kakaltasan ng badyet. Kabilang sa may pinakamalalaking kaltas ang Marinduque State College (81.76%), Romblon State University (81.89%), Bicol University (66.76%), Central Bicol State University of Agriculture (60.24%), Cebu Normal University (78.79%), Mindanao State University (59.82%) at MSU Tawi-Tawi College of Technology and Oceanography (74.6%).

Tinatayang ₱516 milyon naman ang kabuuang kaltas sa maintenance and other operating Expenses (MOOE) sa 23 SUC. Ang MOOE ay badyet para sa iba’t ibang gastos sa operasyon. Nasa ₱25.7 bilyon naman ang kaltas sa capital outlay o gastos sa pagtatayo ng mga pasilidad, serbisyo at imprastruktura sa 55 paaralan. Sa huling tala, 2.1 milyong estudyante ang pumapasok sa mga SUC.

“Malinaw na may sapat na pondo, pero imbes na mapunta sa edukasyon na tinakdaang prayoridad sa ating konstitusyon, napupunta pa ito sa mga armas at bomba para sa gera at panunupil sa mamamayan,” puna ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel.

Dahil sa kawalan ng pondo, natutulak umanong magnegosyo ang mga SUC para punan ang kakulangan ng pondo at depisito na hinaharanp ng mga ito taun-taon, ayon pa sa mambabatas.

Kasabay na itinutulak ng partido ng kabataan ang pagtataas ng badyet sa sektor ng edukasyon tungong 6% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa. Inihain ni Rep. Manuel at mga mambabatas ng Makabayan Bloc ang resolusyon para rito sa araw na iyon. Kung susundin, aabot sa P1.53 trilyon ang magiging badyet sa edukasyon.

Anang partido, mangyayari lamang ito kung mapagpasyang ilalaan ng Kongreso ang pondo sa edukasyon na maaaring kunin mula sa mga proyektong batbat ng korapsyon at pondong nakalaan sa adyendang militarista.

AB: Pagbabalik sa kinaltas na badyet sa mga SUC, ikinakampanya