Balita

Pagbabasura sa probisyong "escrow" sa batas para sa mga marino, ipinanawagan sa Senado

,

Nagtungo sa Senado noong Agosto 8 ang isang grupo ng mga marino, kasama ang dating kinatawan ng Bayan Muna na si Atty. Neri Colmenares para ipanawagan sa Senado na ipasa na ang Magna Carta for Seafarers pero tanggalin ang isiningit na probisyong “escrow.” Ang probisyong ito ay nagkakait sa mga marino sa kumpensasyong maari nilang tanggapin kapag may naipanalo silang kaso sa Department of Labor and Employment at iba pang ahensya, hangga’t hindi pa tapos ang apela ng mga may-ari ng barko at employer.

Ayon kay Colmenares, ang probisyong ito ay pabor sa interes ng mga may-ari ng barko, at di makatarungang nagpapabagal, at maaaring magtanggal, sa pinaghirapang kumpensasyon ng mga Pilipinong marino. Aniya, dapat ipagkaloob agad sa marino ang kumpensasyon, kahit nag-aapela pa ang may-ari ng barko. Saklaw ng mga kasong isinasampa sa DOLE at mga ahensya nito ang kaugnay sa mga injury (pagkabaldado) habang nasa trabaho at iba pang mga paglabag sa mga karapatan ng mga marino.

Ipinasa ang panukala sa Kongreso (House Bill No. 7325) noon pang Marso. Nakasaad dito ang mga karapatan at kagalingan ng mga Pilipinong marino, kabilang ang karapatan nila sa abot-kaya na edukasyon at pagsasanay bilang mga marino, konsultahin kaugnay sa kanilang trabaho, laban sa diskriminasyon, para sa libreng legal na representasyon, at para sa angkop na mekanismo para magpahayag ng kanilang mga hinaing.

Sinuportahan ito ng Bayan Muna sa Kongreso, liban sa isiningit na probisyong “escrow” nito na nakasad sa Seksyon 51 ng panukalang Magna Carta.

AB: Pagbabasura sa probisyong "escrow" sa batas para sa mga marino, ipinanawagan sa Senado