Balita

Pagbansag na "terorista" sa isang doktor, binatikos

Kabi-kabila ang pagbatikos sa resolusyon ng Anti-Terrorism Council (ATC) na nagtalaga kay Dr. Natividad Castro, isang community doctor, bilang isang terorista. Isinapubliko ng naturang konseho ang resolusyong may petsang Disyembre 7, 2022 noong Enero 30. Ang ATC ay kapulungang nilikha sa bisa ng Anti-Terror Law.

Si Dr. Castro o Doc Naty ay kilalang duktor na piniling magsilbi sa mga komunidad ng Lumad at magsasaka sa Mindanao. Pinararatangan siyang may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan at sa Partido Komunista ng Pilipinas sa Mindanao na walang-batayang binansagan na “terorista” ng estado.

Liban sa pagsisilbing doktor, tagapagtanggol din sa karapatang-tao si Doc Naty. Nagsilbi siyang katuwang ang grupong Karapatan. Sa 20 taon na kanyang paglilingkod, nakatulong siya sa pagtatayo ng aabot sa 50 organisasyong masa na naging susi sa pagpapalakas ng mga kampanyang pangkalusugan at para sa karapatang-tao.

Ayon sa Health Action for Human Rights (HAHR), ang pagtalaga kay Doc Naty ay ang mismong ipinangamba nila nang isabatas ang mapanupil at mabangis na Anti-Terrorism Act noong 2020. “Arbitraryo ang desisyon. May pagdinig bang naganap o abiso man lang bago ang designasyon?” giit ng grupo.

Anila, wala ni isang pagkakataon na ibinigay kay Doc Naty para sagutin ang mga akusasyon o alamin ang mga basehan ng designasyon.

Nakagagalit din ang pagdawit ng ATC sa mga community-based health programs (CBHPs) sa armadong rebolusyonaryong kilusan at kadugtong nito ay pagbansag sa kanila bilang mga “terorista.”

“Ngayon, hindi na lang si Doc Naty ang pinalalabas na masama. Sa pag-red tag sa CBHP bilang organisasyong may kaugnayan sa [rebolusyonaryong kilusan], isinasapanganib nito ang buhay ng ilan libong manggagawang pangkalusugan sa komunidad at lahat ng nasa propesyon sa kalusugan na nagtatrabaho para sa CBHP,” ayon sa HAHR.

Giit nila, “walang lugar sa isang demokratikong lipunan ang ATA at ATC.” Tinawag nilang “witch-hunt” ang pinakabagong designasyon ng ATC sa mga kritiko ng gubyerno.

Una nang inaresto si Doc Naty noong Pebrero 18, 2022 sa San Juan City sa gawa-gawang mga kaso ng kidnapping at illegal detention. Nakalaya siya matapos ang higit isang buwan matapos ibasura ng korte ang mga kaso laban sa kanya, at sa paggigiit ng kanyang mga kaanak at mga tagapagtanggol sa karapatang-tao.

AB: Pagbansag na "terorista" sa isang doktor, binatikos