Marapat na paghandaan ng papasok na rehimen ang galit ng mamamayang Bikolano
Nagngingitnit sa galit ang mga Bikolano sa nagpapatuloy na pang-aatake ng mga berdugong elemento ng AFP-PNP sa mga sibilyan at kasapi ng mga progresibong organisasyon sa rehiyon. Dalawang taon mula nang maisabatas ang Anti-Terror Act (ATA), lubusang ginagamit ito ng pasistang estado laban sa mga lider-masa at mga kasapi ng mga progresibong organisasyon sa pagtatangkang mapatahimik ang boses ng mga pangunahing tumutuligsa sa mga di-makataong mga patakaran ng reaksyunaryong gubyerno.
Sa huling mga araw ng Mayo, magkakasunod na ginawang tuntungan ang ATA upang dahasin ang mga magsasakang Bikolano’t masusugid na tagapamandila ng kanilang mga demokratikong karapatan. Kapansin-pansing tinutukan ng pasistang atake ang mga prubinsya ng Sorsogon at Masbate kung saan ilinulunsad ang madugong militarisasyon ng mga komunidad ng mga magsasaka at maralitang lunsod.
Noong Mayo 28, puspusang umatake ang mga berdugong elemento ng AFP at PNP upang hulihin at kasuhan ng paglabag sa ATA si Percival Dellomas, 42 taong gulang, secretary general ng Anakpawis-Sorsogon. Ang kasama niyang si Darwin Guelas, 32 taong gulang at organizer ng Samahan ng mga Magsasaka sa Sorsogon (SaMaSor) ay kinasuhan ng murder dahil idinawit siya sa pagpaslang kay Elvin Alzaga, isang aktibong ahente ng 31st IBPA. Si Dellomas ang pangalawang biktima na kinasuhan ng paglabag sa ATA sa rehiyon.
Walang habas namang pinagbabaril ng mga di-kilalang lalaki noong Mayo 29, alas-9:00 ng gabi ang mag-amang sibilyan sa Barangay Gabao, Irosin, Sorsogon. Sugatan ang ama at anak nitong 16 na taong gulang.
Sa Masbate, mula Mayo 30 hanggang Hunyo 1, dalawang magsasaka ang hinuli sa kasong murder at paglabag sa ATA, habang ang tatlong kasama nila sa kaso ay sapilitang pinasurrender ng Cataingan-MPS. Inakusahan silang mga kasapi at simpatisador ng BHB.
Sa paglukob sa Malacanang ng kambal-pasistang sina Ferdinand Marcos, Jr. at Sara Duterte, nakasisiguro ang mamamayang Bikolano na hindi maglulubay ang dalawa sa pagpapanatili ng legasiya ng kanilang mga amang diktador. Tiyak na hihigitan pa nila ang rekord sa kurapsyon, paglabag sa karapatan ng mamamayan, at walang habas na pamamaslang. Higit sa lahat, titiyakin ng dalawa ang paglulubos ng mga rekisito para buu-buong makubababawan ng kanilang mga imperyalistang amo ang mga panlipunan at pang-ekonomyang patakaran sa bansa.
Kailanman hindi naglubay ang mga rebolusyonaryong Bikolano, kasabay ng malawak na masang anakpawis sa pakikibaka laban sa mga inutil, mapanlinlang, magnanakaw, kurap at mamamatay taong umupo sa Malacanang. Mahigpit nilang pinanghahawakan ang legasiya ng paglaban ng nauna nang mga martir ng Batas Militar at iba pang mapanupil na rehimeng nagdaan.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa lahat ng mga Bikolano na higit na maging mapagbantay sa mga susunod pang mararahas na aksyon laban sa kanila ng tiranikong rehimeng Marcos-Duterte. Dapat lalong paigtingin ng mamamayang Bikolnon ang iba’t ibang anyo ng aktibong pakikipagkaisa at pagkilos sa upang harapin ng buong tatag ang desperasyon ng pasistang estado na lubusang mapadapa ang iba’t ibang porma ng pagbangon at paglaban ng mamamayan.