Pagdalo ni Marcos sa Trilateral Summit, sinalubong ng protesta sa US
Sinalubong ng serye ng protesta ang muling pagbisita ni Ferdinand Marcos Jr sa US para sa US-Japan-Philippine Trilateral Summit na ginanap noong Abril 11-12. Kinundena sa mga pagkilos si Marcos at binatikos ang papel ng US sa pagpopondo at suportang militar nito sa kanyang rehimen. Isinagawa ang mga paglikos ng mga Pilipinong aktibista sa US at mga sumusuporta sa pakikibakang Pilipino. Pinangunahan ito ng Bayan USA, Malaya Movement USA, Tuloy ang Laban Coalition, at ICHRP-US.
“Ang trilateral summit na ito ay magdudulot ng dagdag na tensyon sa pagitan ng US at China, at maglalagay sa Pilipinas at iba pang mga bansa sa rehiyon sa gitna ng dalawang superpower,” anila.
Noong Abril 11, nagmartsa sila sa Washington D.C. kung saan ginanap ang pulong. “(I)pinamamalas ni Marcos Jr na wala siyang pinahahalagahan kundi ang sariling interes… sa kanyang pagbebenta ng bansa para sa tubo at militarisasyon,” pahayag ng Bayan-USA.
Noong Abril 12, nagprotesta sila sa harap ng Waldorf Astoria Hotel sa Washington D.C. kung saan nakikipagpulong noon si Marcos sa US-Phil society, isang “think tank” na kinapapalooban ng mga upisyal ng estado, kumprador at negosyante. Ayon sa Bayan, ang pakikipagpulong ni Marcos ay paghahabol ng dayuhang pamumuhuan para sa itinutulak nitong charter change na lalong maglulugmok sa Pilipinas sa dayuhang utang.
“Binibenta talaga ni Marcos Jr. ang Pilipinas at ang mga Pilipino – ang ating ekonomiya at ang ating kapangyarihan sa mga desisyon sa militar at pampulitika,” pahayag ng Malaya USA. “Ang rehimeng ito ay patuloy na nagsasabi na lahat ito ay para sa ‘pag-uunlad’ at ‘modernisasyon,’ ngunit hindi tayo maloloko. Ang mga kasunduang ito ay nakikinabang sa bottom line ng mga dayuhan sa kapalit ng mga sahod na kapos para sa mga Pilipino. Ipinapabor nito ang mga teknolohiyang militar halip sa ating kaligtasan mula sa gera.”