Balita

Paggastos ni VP Duterte sa CIF, iimbestigahan ng Kongreso

Hinimok ng pinuno at dating kinatawan ng Bayan Muna na si Atty. Neri Colmenares ang kongreso na imbestigahan ang paggastos ni Vice President Sara Duterte sa ₱250 milyong confidential and intelligence funds (CIF) noong 2023.

“Natuklasan ni….Atty Colmenares na gumastos ang Office of the Vice President (OVP) ng ₱125 million sa sikretong mga pondo mula Pebrero 6 hanggang Marso 29, o sa loob lamang ng 52 araw,” pahayag ng Bayan Muna sa balita noong Agosto 14. “Malala, gumastos siya ulit ng ₱125 milyon mula Abril 25 hanggang Hunyo 30, o sa loob lamang ng higit dalawang buwan.”

Kabilang sa pinaggastusan ng OVP ang “pagbili ng impormasyon” na nagkakahalaga ng ₱22 milyon, “pambayad ng pabuya” na ₱27 milyon at “ayudang pagkain” na ₱82 milyon. Walang ibinigay na paliwanag ang OVP hinggil sa unang dalawa habang ang pangatlo ay iligal dahil hindi kalakip ng gawaing paniktik ang ayuda para sa pagkain.

“Dahil di saklaw ng pondong paniktik ang ayudang pagkain, dapat obligahin ng Kongreso ang OVP na maglabas ng resibo sa paggastos dito, at di ito naiiba sa inaawdit na pang-ayudang proyekto ng gubyerno,” ayon kay Colmenares.

Sumang-ayon na ang Committee on Appropriations ng Kongreso na kunin ang ulat kaugnay dito sa Commission on Audit (COA). Inilabas nito ang subpoena sa naturang mga dokumento alinsunod sa mosyon ng blokeng Makabayan noong Agosto 14 bilang paghahanda sa pagdinig sa panukalang badyet ng OVP sa 2025. Nauna nang ipinahayag ni Duterte na hindi na siya hihingi ng CIF sa susunod na taon. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na ligtas na ang paggastos niya ng CIF sa naunang mga taon, ayon kay Rep. France Castro ng ACT Teachers Party.

Isa si Rep. Castro sa mga nagbunyag noong 2023 na inubos ng OVP ang ₱125 milyong CIF nito sa loob lamang ng 11 araw noong 2022. Nanguna rin siya sa pagpapaatras ng CIF ni Duterte para sa 2024.

AB: Paggastos ni VP Duterte sa CIF, iimbestigahan ng Kongreso