Balita

Paglaban sa red-tagging, paglilinaw sa alituntunin sa social media, naigiit sa dayalogo sa Comelec

,

Naigiit ng Koalisyong Makabayan sa dayalogo nito sa Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Manila noong Nobyembre 12 ang paglaban sa red-tagging at paglilinaw sa mga alituntunin sa social media sa darating na eleksyong 2025. Ang dayalogo ay hiningi ng koalisyon sa isang sulat sa Comelec noong Oktubre 30.

Ayon sa Makabayan, maituturing na makasaysayan ang naging komitment ng Comelec na maglabas ng alituntunin laban sa red-tagging sa panahon ng eleksyon. Posible umano itong makatulong para protektahan ang mga kandidato at partido laban sa pampulitikang panggigipit at diskriminasyon.

Sa nagdaang mga eleksyon, naging target ang Makabayan at mga partidong pampulitika sa ilalim nito tulad ng Bayan Muna, Gabriela Women’s Party, Kabataan at ACT Teachers ng red-tagging ng mga pwersa ng estado. Kabilang mga kaso ng red-tagging sa itinatala ng Kontra Daya na mga porma ng pandaraya at karahasan tuwing eleksyon.

“Isa itong signipikanteng tagumpay para sa demokratikong mga karapatan at reporma sa eleksyon. Sa unang pagkakataon, magkakaroon tayo ng malinaw na mga alituntunin mula sa Comelec laban sa Red-tagging alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema,” pahayag ng tagapagsalita ng koalisyon na si Reyna Valmores Salinas.

Malugod ring tinanggap ng Makabayan ang paglilinaw ng Comelec sa inilabas nitong Resolution 11064 noong Setyembre. Laman ng resolusyon ang mga patnubay sa paggamit ng social media, artificial intelligence at internet sa pangangampanya at pagbabawal sa disimpormasyon at misimpormasyon sa eleksyong 2025.

Sang-ayon sa patnubay, inaatasan ang lahat ng mga kandidato, mga partido at kanilang mga kampanyador na irehistro ang lahat ng kanilang upisyal na akawnt at pahina sa social media, mga website, at iba pang platapormang online hanggang Disyembre 13. Gagamitin umano ito para mapigilan ang pagkalat ng pekeng balita at maling impormasyon sa eleksyon. Pangungunahan umano ng Task Force sa Katotohanan, Katapatan, at Katarungan (KKK) sa Halalan ang implementasyon ng patnubay.

Natulak ng Makabayan ang Comelec na tanging mga upisyal na akawnt ng mga kandidato ang irerehistro at hindi na ang mga tagasuporta nila. Ayon kay Salinas, kinikilala nila ang pagiging bukas ng Comelec sa dayalogo at kanilang pagtugon sa mga agam-agam at pananaw ng Makabayan.

Nauna nang nagpahayag ng pagtutol ang koalisyon sa resolusyon dahil anila, kahit mahalaga ang pagtutol sa pekeng balita at maling impormasyon ay dapat sa paraang hindi makatatapak sa kalayaan sa pagpapahayag, pribasiya at epektibong pangangampanya.

“Mahalaga na nalinaw na hindi sapilitan ang registration ng mga individual supporters at hindi ito makakaapekto sa karapatan ng mamamayan na magpahayag ng kanilang political views sa social media,” dagdag pa ni Salinas.

Ani Salinas, patuloy na makikipag-ugnayan ang koalisyon sa Comelec para tiyakin ang pagsasapinal ng mga alituntunin para protektahan ang karapatan ng mga mamamayan.

AB: Paglaban sa red-tagging, paglilinaw sa alituntunin sa social media, naigiit sa dayalogo sa Comelec