Balita

Paglilitaw at pagpapalaya sa dinukot na Sorsoganon, panawagan ng mga grupo sa karapatang-tao

Higit dalawang buwan matapos dukutin ng hinihinalang mga ahente ng 22nd IB at 9th ID, muling nanawagan ang mga kaanak ni Gerald Gestole at mga grupo sa karapatang-tao na ligtas at kagyat siyang ilitaw at palayain ng mga pwersa ng estado. Si Gestole ay dinukot noong Nobyembre 17, 2024 bandang 4:30 ng hapon sa paradahan ng traysikel sa Barangay Crysanthemum, San Pedro, Laguna.

Pauwi si Gestole kasama ang kanyang 19-anyos na nakababatang kapatid mula sa Robinson’s Mall nang damputin ng apat na kalalakihan at sapilitang ipinasok sa puting Mitsubishi L300. Pagkatapos ng insidente ay kaagad na nagpa-blotter ang pamilya ni Gestole sa barangay at sa istasyon ng pulis.

Sa pinakabagong pahayag ng Karapatan-Bikol, ibinahagi ng pamilya na tila sila ang inimbestigahan ng mga pulis sa halip na ang insidente ng pagdukot. “Nagkunwari pa ang PNP na nagmagandang-loob na ihatid sila, pero ang pakay pala ay maghalughoug sa kanilang tahanan. Napilitan ang mag-ina na papasukin sa bahay ang isang pulis para patunayan na walang anumang iligal sa kanilang pamamahay,” ayon sa grupo.

Kasunod nito, nakatanggap ng tawag ang ina ni Gestole mula kay Gerald na nagsabing dinukot siya ng mga ahente ng estado na “rebel returnees.” Pinilit si Gerald ng mga sundalo na “pasukuin” ang kanyang ama na pinararatangang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Sorsogon.

Sa pag-usisa ng pamilya Gestole, napag-alaman nilang sinampahan si Gerald ng 2nd IB ng dalawang kaso ng pagpatay at isang kaso ng tangkang pagpatay noong Oktubre 2024.

“Ang ganitong modus operandi ng AFP ay dapat kundenahin bilang paglabag sa karapatan [ng mga biktima] at ng kanilang buong pamilya, na binibiktima ng tuluy-tuloy na pamimilit at pananakot,” pahayag ng Karapatan-Bikol.

Inihalintulad ng grupo ang insidenteng ito sa dinanas ng pamilyang Estiller noong Pebrero 2024, sa ginawang pagdukot ng limang kalalakihan kay Jose Marie Estilller sa Sto. Tomas, Batangas. Si Jose Marie sa ngayon ay nananatiling hawak ng 903rd Brigade sa kampo sa Castilla, Sorsogon na nasa ilalim ng 9th ID. Siya rin ay may mga kasong kinakaharap sa Sorsogon.

“Kaya’t hindi kataka-taka kung sa ngayon ay iligal na hawak din ng 9th ID si Gerald Gestole,” anang grupo. Dagdag pa nila, lubhang paglabag ang aksyong ito sa internasyunal na makataong batas at mga batas ng digma.

Ayon pa sa grupo, nilalabag din ng mga sundalo ang tamang proseso ng hukuman sa iligal nilang pagdukot sa kanilang mga inaakusahan sa layuning pasunurin at gamitin sila sa programang kontra-insurhensya.

AB: Paglilitaw at pagpapalaya sa dinukot na Sorsoganon, panawagan ng mga grupo sa karapatang-tao