Paglipana ng "deepfake" na mga imahe ng kabataang kababaihan sa internet, kinundena ng Gabriela Women's Party
Inihapag ni Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party sa Kongreso noong Setyembre 20 ang nakababahalang paglipana ng mga “deepfake” o manipuladong mga larawan ng kabataang kababaihan na myembro ng sikat na grupong Bini at G22 sa internet. Nanawagan siya para imbestigahan ang mga ito para mapanagot ang mga salarin at mabigyan ng proteksyon ang mga biktima laban sa tinagurian niyang “AI-enabled” na karahasan.
Inihapag niya ang rekomendasyon sa pagdinig sa badyet para sa Department of Information and Communications Technology. Inusisa niya ang kinatawan ng kagawaran kung batid ba nito ang mga kaso ng “deepfake” at kung may mga hakbang na ba itong ginawa para masawata ang paglipana ng malisyoso at peligrosong mga pinekeng larawan at bidyo hindi lamang ng mga kilalang mga personalidad, kundi pati ng mga ordinaryong mamamayan.
“Yung paglaganap ng deepfake technology ay signipikanteng banta di lamang sa mga P-Pop girl na grupo o mga celebrity kundi sa lipunan sa pangkalahatan,” ayon kay Brosas. “Dapat gumawa ang gubyerno ng mga proactive na hakbang para harapin itong lumilitaw at nakaaalarmang hamon.”
Ang mga kaso ng online violence o karahasan sa internet laban sa kababaihan, na pinalalagap sa mga chat group sa Telegram at iba pang social media platform ay nagpapatampok sa mga bantang kinakaharap ng kabataang kababaihan, ayon sa Gabriela. “Ang paglitaw ng mga mobile na application na may kakayahang gumawa ng hyper-realistic o (parang totoong) mga larawan…ay banta sa kanilang pribasiya at kaligtasan,” ayon sa grupo.
Gumagamit ng artificial intelligence o AI ang mga gumagawa ng deepfake o manipuladong mga imahe, video o audio (boses) para makapanlinlang. Madalas, ginagamit ito para palabasing may ginawa o sinabi ang isang indibidwal na sa totoo ay hindi niya ginawa o sinabi.
Ayon sa kinatawan na isponsor ng badyet ng DICT, nasa proseso pa lamang ang kagawaran sa pagbili ng kagamitan para matukoy ang mga deepfake na larawan at bidyo. Aniya, lubhang mababa rin ang badyet na inilaan para sa Cybercrime Investigation and Coordination Center ng DICT, ang ahensya na nakatuon para sa imbestigasyon at paghahabol sa mga salarin sa gayong mga kaso.