Pagpapababa ng taripa sa imported na bigas, palpak sa pagpapababa ng presyo sa merkado
Nagprotesta sa harap ng Department of Agriculture ngayong araw, Setyembre 27, ang mga magsasaka, manggagawa at iba pang sektor para muling tutulan ang programa sa liberalisasyon ng bigas ng rehimeng Marcos.
“Ang pagpapababa ng taripa mula 35% tungong 15% alinsunod sa Executure Order 62 ay hindi nagresulta sa makabuluhang pagbaba ng presyo ng bigas,” ayon kay Ka Daning Ramos, pinuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.
Kumpara noong Setyembre 2023, 30% na mas mataas ang presyo ngayong Setyembre 2024 sa mga merkado. Ang presyo ng well-milled rice ay abereyds na ₱50.43/kilo habang ang regular rice ay nasa ₱47.04/kilo. Isa sa nagtutulak ng mabilis na implasyon ang patuloy na mataas na presyo ng bigas. Kumpara naman sa nakaraang mga buwan, napakaliit, kung meron man, ng ibinaba sa presyo ng bigas, taliwas sa ipinangako ni Marcos na ₱5-₱7 pagbaba oras na magkabisa ang EO 62.
Minaliit din ng mga magsasaka ang isinabatas kahapon ng rehimen na Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na hakbang diumano para sawatain ang mga operasyon ng mga kartel sa bansa. Anila, may katulad nang mga batas na umiiral pero bigo ang mga ito sa pagtukoy, pag-aresto at paglitis sa mga mayor na ismagler at hoarder.
“Sa kalakaran ngayon ng todong liberalisasyon ng agrikulura, kakambal ng importasyon ang malakihang smuggling,” ayon kay Ka Daning. Aniya, wala pang ismagler o hoarder ang naiharap sa korte, at tuluy-tuloy lamang ang kanilang mga operasyon sa kapinsalaan ng mga magsasaka.
Sa ngayon, iniinda nila ang napakababang presyo ng bilihan ng palay dulot ng pagbaha ng imported na bigas. Sa ilang rehiyon, nasa ₱14-₱16/kilo lamang binibili ng mga trader ang palay, na mas mababa sa gastos sa produksyon ng mga magsasaka. Tiyak silang patuloy na bababa ang presyo ngayong Oktubre habang papalapit ang anihan dahil isasabay dito ng mga trader ang pagbuhos ng imported na bigas. Kabilang dito ang mahigit 20 milyong kilong bigas na sadyang itinengga sa isang pantalan sa Maynila nang mahigit 30 araw na.