Balita

Pagpapaiksi ng kwarantina para sa mga manggagawang pangkalusugan, binatikos

,

Binatikos kahapon, Enero 11, ng mga manggagawang pangkalusugan ang sadyang pagpapabaya ng Department of Health (DOH) at ng rehimeng Duterte sa kanilang kaligtasan, proteksyon at kapakanan. Ayon sa Alliance of Health Workers, sa mahigit dalawang taon sa ilalim ng pandemya, palala nang palala ang mga kundisyon sa paggawa ng mga manggagawang pangkalusugan.

Pinakahuli sa mga pahirap ang kautusan ng DOH noong Enero 6 na nagbawas ng araw ng pagkakwarantina ng mga manggagawang pangkalusugan mula 14 araw tungong limang araw na lamang kapag may kumpletong bakuna at booster shot na sila. Ginawa ito ng ahensya para agapan ang mabilis na pagbagsak ng kapasidad ng sistemang pangkalusugan sa harap ng muling pagpalo ng bilang ng mga nahawa ng bayrus sa pangkalahatan at ang pagtaas ng bilang ng nahawang mga manggagawang pangkalusugan.

“Di makatao, di makatarungan, walang lohika at mapanlinlang ang DOH Circular 2022-002,” ayon sa Alliance of Health Workers. Anila, ang pagpapaiksi ng mga kwarantina ng mga nahawa na ay higit lamang magpapakalat ng bayrus sa kapwa nila mga manggagawang pangkalusugan at mga pasyente. “Ang pagtaas ng bilang ng mga nahawa ay nagpapakitang bulnerable kami sa baryant na Omicron kahit pa kumpleto ang aming bakuna at may booster shot,” ayon sa grupo. Ikinagalit nila ang desisyon ng DOH na hindi i-test ang mga walang sintomas kahit pa naka-expose sa bayrus. “Pinipilit nila kaming magtrabaho imbes na magkwarantina.”

“Dalawang taon na kaming nakikipagbuno sa Covid-19 at dalawang taon na rin kaming bulnerable sa bayrus,” ayon kay Robert Mendoza, presidente ng AHW. Sa San Lazaro Hospital sa Manila City, aniya, dalawang buwan nang walang suplay ng mga face shield. Sa Jose Reyes Memorial Medical Center sa parehong syudad, napakalimitado ng suplay ng mga N95 mask. Kulang na kulang ang mga gamot at suplay medikal ng mga pampublikong ospital. Sa ospital na ito, ang isang nars ay nag-aalaga ng 24 pasyenteng may Covid-19 at dagdag na 11 na Covid-related na pasyente. Sa Philippine Heart Center, ang isang nars ay nag-aalaga ng 24 pasyenteng may Covid.

Sa Emergency Room ng Lung Center of the Philippines, isang nars lamang ang nakaduty kada shift ngayong punung-puno ito ng mga pasyenteng nahawa sa Covid. Sarado na ang out-patient department at iba pang ward ng National Kidney and Transplant Institute dulot ng kakulangan ng personel dahil marami sa kanila ay nahawa na at sa ngayon ay nakakwarantina.

“Imbes na lutasin ang palagiang problema ng kakulangan ng personel sa pamamagitan ng mass hiring para sa mga regular na pusisyon, naglabas ang gubyernong ito ng kautusan na di makatao at peligroso sa aming mga health worker,” ayon pa kay Mendoza.

AB: Pagpapaiksi ng kwarantina para sa mga manggagawang pangkalusugan, binatikos