Pagpapalaya sa migranteng Pilipino na si Mary Jane Veloso, muling iginiit
Muling ipinanagawan ng Migrante International ang kagyat na pagpapalaya kay Mary Jane Veloso, migranteng Pilipinong biktima ng human at drug trafficking, na nakakulong sa Indonesia simula pa 2010. Iginiit ito ng grupo kasabay ng pagbisita ni Indonesian president Joko Widodo sa bansa mula Enero 9 hanggang Enero 11 para makipagpulong kay Ferdinand Marcos Jr.
Nailigtas sa parusang pagbitay si Veloso noong 2015 dulot ng paggigiit ng mamamayang Pilipino. Nananatili siyang nakapiit sa Jakarta, Indonesia sa kabila ng pag-usig sa mga iligal na rekruter niya at matagal nang panawagang palayain siya.
“Dapat siyang bigyan ng clemency at kalayaan at dapat nang pauwiin ngayon, makapamuhay at makatulong sa kanyang dalawang anak at tumatanda nang mga magulang,” ayon sa Migrante International.
Suportado ng grupo ang nakatakdang paghahatid ng sulat-apela ng magulang ni Veloso kay Marcos at Widodo. Ipagdiriwang ni Mary Jane ang kanyang ika-39 kaarawan sa Enero 10. Nanawagan din ang Migrante International na harapin ng dalawang pangulo ang pamilya Veloso.
Kung mapagbibigyan at mapalalaya si Veloso, isa umano itong malaking regalo at magdudulot ng labis na ligaya sa mga migranteng Pilipino at sa sambayanan. “Umaalingawngaw ang kwento ni Mary Jane sa mga migrante at mamamayang Pilipino,” pahayag ng Migrante International.
Idiniin ng grupo na ang kaso ni Mary Jane, sampu ng iba pang mga migrante, ay dulot ng kawalan ng trabaho sa Pilipinas. Pumapatong pa umano dito ang pagsasamantala ng mga indibidwal na rekruter na nambibiktima sa mahihirap at desperadong makapagtrabaho na mga Pilipino.