Unang asembleya ng progresibong samahan ng mga marino, inilunsad
Nagtipon ang mga kasapi ng Concerned Seafarers of the Philippines (CSP) para sa unang asembleya nito noong Oktubre 24 sa UCCP Cosmopolitan Church sa Taft Avenue, Manila para pagtibayin ang pagkakaisa ng kanilang sektor para sa sahod, trabaho, kalusugan at karapatan. Ang CSP ay isang samahan na ipinagtatanggol ang karapatan ng mga marino at kanilang mga pamilya.
Ihinalal ng asembleya ang mga upisyal ng organisasyon na silang mangunguna sa pagpapalakas at pagpapalaki ng kasapian ng orgaisasyon. Ayon kay Engr. Xavier Bayonete, nahalal na pangulo ng CSP, ipaglalaban ng grupo ang karapatan ng mga marino tulad ng mga benepisyo.
“Minsan, itong mga benepisyo dapat idaan pa sa agency, pero ang dapat nangunguna dito, nakikipaglaban para sa mga seafarers, hindi (bilang) individual kung di (bilang grupo),” ayon sa kanya.
Tinitiyak umano ng pagiging bahagi ng isang unyon na matatanggap ng mga marino ang kinakailangan nilang suporta sa panahon ng pangangailangan at kagipitan, ayon pa sa kanya.
Nagpaabot ng pakikiisa sa asembleya ang Seafarers Empowerment Advocates Network, Kilusang Mayo Uno (KMU), Migrante at International Labor Organization.
Sa datos ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA), tinatayang 750,000 ang bilang ng mga rehistradong marino sa bansa. Tanging 400,000 lamang sa kanila ang nakasasakay ng barko o may mga kontrata para makapagtrabaho.
Taun-taon, 25,000 estudyante ang nagtatapos sa mga eskwelahang pang-marino ngunit 5,000 lamang sa kanila ang nakakukuha ng trabaho sa mga komersyal na barko.
Kinahaharap ng mga marinong Pilipino ang mga suliranin ng kontraktwalisasyon, mataas na mga singil, obligadong kontribusyon sa Philhealth at ang kabuuang suliranin ng kawalan ng trabaho sa Pilipinas.
Nakapako sa $400 kada buwan ang sahod ng mga marinong mababa ang ranggo sa barko at mga ordinaryong seaman. Sa kabila ito ng $6.55 bilyon na iniremit ng mga marino ($34 bilyon ang remitans ng mga OFW) sa bansa noong 2021.
Kabilang sa reklamo ng mga marino ang napakataas na singilin sa mga ‘mandatory training’ para sa kanilang sektor. Tinatayang ₱83,985 ang binabayaran ng bawat isa para makuha ang mga ito.
Ayon sa CSP, igigiit ng organisasyon ang regularisasyon ng mga marino, pagkakaroon ng batayang mga benepisyo, pagtaas ng sahod, pagbasura sa ‘age limit’ para makapagtrabaho at iba pa.
Suportado din nila ang panukalang Magna Carta of Filipino Seafarers o House Bill 4438 ni Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party na inihain noong Setyembre 2022.