Balita

"Pagpapasuko" ng PNP sa dalawang indibidwal sa La Union, kinundena

Kinundena ng Timek ken Namnama Dagiti Babassit a Mangngalap ti La Union (Timek)-Pamalakaya, samahan ng mangingisda sa prubinsya, ang “pagpapasuko” ng Philippine National Police (PNP) sa dalawang indibidwal mula sa bayan ng Agoo at Bauang sa La Union noong Enero 14. Anito, binansagang mga komunista ang dalawa.

Ang mga “pinasuko” ay kinilala bilang sina Jindie Ruiz Lapasanda, 35 anyos, isang welder na residente ng Barangay Pudoc, Bauang; at si Teresita Miranda Villanueva, 41, residente ng Barangay San Manuel Norte, Agoo. Ibinalita na si Lapasanda ay kasapi ng Anakpawis Party-list habang si Villanueva ay myembro ng Timek La Union.

“Sa mga nakaraang taon ay naranasan ng aming organisasyon ang ganitong harassment kung saan pinipilit papirmahin ang mga myembro ng TIMEK sa oath of allegiance na animo’y nagkasala sila para sa pagtindig sa kanilang mga karapatan bilang mangingisda,” pagkukumpara ng grupo.

Karaniwang modus ng mga pulis at militar ang sapilitang pagpapasuko sa maraming mga prubinsya sa bansa para gipitin at supilin ang kanilang paglaban para sa karapatan. “Walang batayan upang pasukuin ang mga myembro ng mga sektoral at pang-adbokasiyang organisasyon dahil karapatan ng mamamayan ang mag-organisa ng kanilang mga sarili ayon sa kanilang interes,” anang grupo.

Dagdag nila, isinasapanganib ng ganitong kalakaran ang buhay at kaligtasan ng katulad nilang karaniwang mamamayan. “Ang red-tagging ang ginagamit ng estado para ipatupad ng Anti Terror Law, at desperadong ipakita na nagwawagi sila laban sa mga rebolusyonaryo,” ayon pa sa grupo.

Hinaing ng Timek La Union, napakaraming suliraning kinahaharap ngayon ng karaniwang mangingisda sa bansa ngunit pagbabanta sa buhay nila ang itinutugon ng rehimeng Marcos. Kabilang dito ang kamakailang pagkatig ng Korte Suprema sa pagpapahintulot ng komersyal at malakihang mangingisda sa municipal waters.

“May banta na nga sa kanilang kabuhayan, pinipigilan pa silang mag organisa at isulong ang kanilang mga interes,” ayon sa grupo. Naniniwala silang pinangungunahan ng National Task Force-Elcac, sa kumpas ni Marcos Jr, ang kampanya ng panunupil laban sa kanila at iba pang progresibo.

Samantala, nanawagan ang Timek La Union sa mga nasa midya na maging mapagbantay sa ganitong panlilinlang ng pulis at militar. Dapat umanong tiyakin nila ang responsableng pamamahayag at pagkuha ng panig ng mga demokratikong organisasyon tulad ng Timek La Union.

AB: "Pagpapasuko" ng PNP sa dalawang indibidwal sa La Union, kinundena