Pagpapatalsik sa unibersidad sa lider-estudyante sa Cavite, tinuligsa

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagprotesta ang mga estudyante ng De la Salle University (DLSU)-Dasmariñas sa kampus nito sa Cavite noong Mayo 31 para batikusin ang pagpapatalsik ng administrasyon sa lider-estudynate na si Paolo Tarra. Ipinataw kay Tarra ang “non re-admission” dahil sa diumanoy paglabag niya sa handbook ng unibersidad na nagbabawal sumali at maghikayat na sumali sa mga “hindi kinikilalang” organisasyon sa kampus.

Si Tarra ay kasalukuyang koordineytor ng Coalition of Concerned Lasallians (CCL) sa DLSU-D. Isa siya sa mga nangunguna sa mga kampanya para sa demokratikong karapatan at kagalingan ng mga estudyante sa unibersidad.

Noong Mayo 8, ipinatawag si Tarra ng Student Wellness and Formation Office (SWAFO) ng DLSU-D para sa “pagdinig” kaugnay ng kasong isinampa sa kanya. Taliwas sa inaasahan, hindi dininig ang panig ni Tarra at basta na lamang siyang pinatawan ng sangsyon.

Bago ang kilos-protesta, nagsumite si Tarra ng apela sa Office of Student Services kaugnay ng kaso. Pinangunahan ng CCL at Anakbayan Kalayaan ang pagkilos ng mga estudyante sa kampus. Nakiisa rin sa kanila ang iba pang organisasyon ng mga kabataan sa Southern Tagalog.

Tinangkang buwagin ng 30 gwardya ng unibersidad, mga pulis at SWAT ang protesta. Sinubukan din nilang agawin ang mga plakard at istrimer ng mga ito. Kinompronta sila ng mga grupo at iginiit ang kanilang karapatang makapagtipon at makapagpahayag.

Si Tarra ay naging target din ng panggigipit ng National Task Force (NTF)-Elcac noong Pebrero at Mayo. Pinuntahan ang kanyang bahay sa Trece Martires City ng mga ahente ng estado. “Kinausap” ng mga ito ang mga magulang ni Tarra at ipinakita sa kanila ang mga larawan ni Tarra habang lumalahok sa mga pagkilos.

Namilit din ang mga ahenteng militar na kausapin nang personal si Tarra sa pagdadahilang nangangamba silang “mamundok” siya. Nagbabala pa ang mga ito na babalikan ang pamilya para muli silang kausapin at papipirmahin ng ilang dokumento.

AB: Pagpapatalsik sa unibersidad sa lider-estudyante sa Cavite, tinuligsa