Pagpataw ng parusang kamatayan sa OFW sa Saudi Arabia, pananagutan ni Marcos
Siningil ng Migrante International ang rehimeng Marcos sa kabiguan nitong pigilan ang pagpapataw ng parusang kamatayan ng Kingdom of Saudi Arabia sa isang overseas Filipino worker (OFW) noong Oktubre 5. Ayon sa grupo, dagdag ito sa mahabang listahan ng mga kasong ibinunga ng limang dekada nang labor-export program ng Pilipinas.
Ang naturang OFW ay nakulong sa Saudi Arabia noon pang 2020 sa kasong pagpatay sa isang taga-Saudi dahil sa usapin ng pera. Sa ulat ng Amnesty International hindi bababa sa 198 indibidwal ang panatawan ng bansa ng parusang kamatayan sa iba’t ibang kaso ngayong taon, pinakamataas na tala mula dekada 1990.
“Habang nagluluksa ang mga migranteng Pilipino sa pagkamatay ng kanilang kababayan, pinapanagot namin ang gubyernong Marcos sa kabiguan nitong iligtas ang buhay ng isa na namang migrante. Mas malubha, bigong igiit ni Marcos Jr ang pagbabalik sa Pilipinas ng bangkay ng pinaslang na Pilipino,” ayon sa Migrante International.
Dagdag ng grupo, labis na nakadidismaya na hindi alam ng gubyerno ng Pilipinas na nakatakda nang bitayin ang naturang OFW noong Oktubre 5. “Hindi na nagkaroon ng pagkakataon ang pamilya ng OFW na makapamaalam man lamang o mag-alay ng panalangin para sa kanya,” ayon sa grupo.
Patunay ito na walang kakayahan ang gubyernong Marcos na protektahan ang mga OFW na binubugaw nitong magtrabaho sa ibang bayan at kanilang mga pamilya, ayon sa grupo.
Sa loob ng maraming dekada, milyun-milyong manggagawang Pilipino ang ipinadadala ng gubyerno sa Saudi Arabia. Marami sa kanila ang nakararanas ng pagsasamantala, abuso, diskriminasyon, kriminalisasyon at maging pagpatay. “Hindi sila nakatatanggap ng hustisya dahil sa mabagal na tugon ng gubyerno at kawalan ng maagap na ligal na tulong,” ayon pa sa grupo.
“Duwag ang administrasyong Marcos Jr,” pagdidiin ng Migrante International. Anito, ang pagyuko ng rehimen sa mga alituntunin ng Saudi Arabia na tumangging iuwi ang bangkay sa Pilipinas ay naghahatid sa nakapanlulumong mensahe sa mga Pilipino na nahaharap ngayon sa hindi makatarungang pagkakulong o nasa bingit ng pagbitay sa ibang bayan.
“Ang karapatan sa buhay, dignidad, proteksyon at hustisya ay dapat masugid na igiit ng gubyernong Marcos anuman ang bansang pinagtatrabahuan natin,” ayon sa grupo ng mga migrante.